Tatlong beses akong nakapagbakasyon noong nakaraang taon kaya kahit papaano ay may masasabi kahit limitado lang ang kaalaman sa kung anong bago sa paliparan natin. Ito ay base sa sarili kong experience.
FEBRUARY. Pinawisan si Misis. Tatlong tanong lang ay tinatakan na ng immigration officer ang kanyang bagong passport sa NAIA 2. Nagpasalamat siya dahil nalampasan na niya ang mapanuring mata ng counter na ito para sa mga Pinoy na gustong magtour sa ibang bansa. Subalit hindi pa pala tapos. Hinabol at ininterview siya ulit ng dalawang immigration officer. Bukod ang dalawang opisyal na ito kaysa doon sa nakaupo sa counter. Tinanong si Misis. "Sinong pupuntahan mo sa Bangkok? Ano ang kumpletong pangalan ng asawa mo? Kailan kayo ikinasal? Saan siya nagtatrabaho? Anong trabaho niya? Anong kumpanya niya? Kailan ang birthdate niya? Kailan siya huling dumating? Kailan siya huling umalis?" At marami pang tanong. Nasagutan lahat ng asawa ko ang mga tanong nila dahil naabisuhan ko na siya na ihanda ang sarili sa mga posibleng tanong sa immigration. "Wait lang ha, tanungin ko muna ang boss namin." Saglit na naghintay. " O paano ito?" tanong ng isang officer. "Okey na yan, nasagutan naman niya lahat ng tanong," sagot ng isa. Napangiti ako nang nagtext si Misis na nasa predeparture na siya habang hinihintay ko siya sa Bangkok.
Nang ikinukwento ni Misis ang unang karanasan niya sa international hall ng NAIA, di maiwasan na uminit ang ulo. Ganito ba talaga kahirap ang makalabas ng bansa? Normal ba ang ganoong tanong o may motibo kaya nagtatanong? Marami na akong nabasa na ganito rin ang experience nila. Ibig sabihin ito na ang standard? May tatak na ang passport, haharangin ka pa! Hindi man lang nila binabasa ang mga dokumentong inabot sa kanila ni Misis. Hinahawakan lang. Nandoon ang kanyang employment certificate, leave certificate, bank certificates, return flight tickets, trip itinineraries, at hotel voucher. Mabuti na lang dala ni Misis ang marriage certificate at baka iyon pa ang dahilan sa pagkapalya ng aming bakasyon.
Arrival sa NAIA 2 mula sa Bangkok. Pila sa immigration halos
15 minutes. Mabilis kahit madaming nakapila. Medyo natagalan lang sa pagkuha ng bagahe. Naabutan pa kasi namin na galing pa sa ibang flight ang mga bagaheng nasa conveyor. Kaunting hintay lang. Nakalabas kami ng airport after
40 minutes.
Philippine Airline in Bangkok International Airport
MAY. Dumating sa NAIA-1 ng 10:15 ng gabi. Parang nakaexpress lane na ang mga OFW sa immigration. Hindi na katulad dati na napakahaba ng pila sa OFW lane. Ganunpaman, kahit halos himatayin ka na sa bilis ng hakbang para lang makauna sa immigration ay wala pa rin itong silbi dahil magtatagal ka rin sa pagkuha ng bagahe. Mahigit 30 minutos bago inilabas ang bagahe ko. Halos panghuli na. Nakalabas ako ng airport after
45 minutes. Mabilis na rin. At sa arrival hall. Masyadong masikip. Kawawa ang mga pamilyang naghihintay. Masyadong mainit kahit gabi na.
Pagbalik. NAIA-2 domestic to NAIA-1. Sa lapit na iyon pero halos 30 minutos ang itinagal. Limang minuto lang sana ang biyahe kung walang trapik. Malaking tulong ang airport transfer shuttles. 20 pesos lang ang pamasahe at aalalayan ka pa sa pagbuhat ng bagahe. Sana ganyan ang totoong serbisyo!
NAIA terminal 2
NOVEMBER. Dumating sa NAIA-1 ng 9:10 ng umaga. Hindi na kailangang magmadali. Kaunti lang ang mga pasaherong dumadating. At dahil sa wala masyadong pila, napansin ko na marami na palang immigration counter ang kanilang idinagdag kaya walang duda, ito na iyong sinasabi nilang may nagbago sa NAIA.
Katulad pa rin ng dati, mahigit o kumulang 30 minutos pa rin ang bagahe bago nakalabas ng conveyor. Mapupuna rin na may mga CCTV ang lugar kung saan inilipat ang bagahe mula sa trailer papunta sa conveyor. Ang mga ginagawa sa bagahe ay mismong napapanuod ng mga pasahero. Halos
40 minutos bago ako nakalabas ng airport.
NAIA-1 to NAIA-2. Walang trapik kaya saglit lang ang pagbiyahe. Nakakapanibago ang NAIA-2. Kakaunti lang ang pasahero di katulad dati. Hindi na kasi lahat ng PAL flights ay nakabase sa terminal 2.
Sana maranasan ko rin ang 25 minutes travel out sa airport. Sa palagay ko mararanasan mo lang iyon kung ikaw ay:
1. Hand carry baggage lang ang dala.
2. Business Class passenger ng isang airline kung saan prioity ang bagahe mo.
3. VIP visitors (officials, ambassadors, artista, diplomat, etc.)
__________________________________________
Bagong taon, may bagong aabangan.
Pababa nang pababa ang palitan ng pera dahil sa malakas na ekonomiya ng Pinas. Mataas pa rin ang mga presyo ng bilihin sa Pinas. Kawawa ang mga papadalhang pamilya dahil liliit ang perang matatanggap. Kapag kinulang na ang panggastos.......
Mali pala. Kawawa pala ang OFW. Wala siyang magawa kundi dagdagan ang perang ipapadala.