Friday, April 19, 2013

Boto mo, Rerespetuhin ko!

Nagsimula na ang Overseas Absentee Voting dito sa Saudi para sa pambansang Halalan ngayong Mayo.

Naalala ko noon, lagi akong officer sa classroom namin. Mga kamay na itinaas lang ang binibilang at tawag na doon ay BOTO na. Isang simpleng pulitika ang noo'y nasa eskuwelahan. Ngunit para sa akin, mas pipiliin ko pa ang simpleng botohan na mayroon ang isang maliit na silid kaysa sa napakalawak at napakagulong halalan na mayroon ang bansa natin.

Hindi ako makakaboto bilang Absentee Voter.
At hindi rin ako makakaboto sa Mayo.
Sa edad kong ito ay di ko pa naranasang bumoto.

Normal na tanawin tuwing Election.

Subalit di ko rin masisi kung ganito ang naging pananaw ko. May pinagdaanan lang kasi. Tuwing election ay laging ko itong naalala. Sa tigas nitong ulo ko ay di ko maisip na nangyari iyon na ikinahiya ko ng sobra.

Ano ba kasi ang nakain ko sa araw na iyon nang bigla ko na lang naisip na pumunta sa opisina ng Comission on Election (COMELEC). Ito iyong halalan na natalo si FPJ. "Hello Maam, magpaparegister po ako in advance". Nagkatinginan ang mga staff. Parang  mali ako ng opisinang napasukan?"Sir, hindi puwede!". "Bakit hindi po puwede". Wala pang registration period". Madali lang naman sanang intindihin pero bumigkas pa ulit ako ng "Bakit po?" "Patakaran kasi yan." sabi ni Maam. "So hindi po talaga puwede?". "Ang kulit niyo!" Nakulitan sila sa akin sa gayong gusto ko lang namang magparegister. First time sana.

"E anong trabaho niyo kapag walang registration at eleksyon?". Naisip ko pa sanang itanong kaso di naman ako naghahanap ng gulo. Sa akin na lang iyon.Hihintayin at kailangan ko pang maranasan ang siksikan tuwing registration period.

Ang una at huli kong pagtapak sa opisina ng COMELEC ay memorable. At dahil sa trabaho ay di pa ako nakapagtiming ng registration period.

May ilang eleksiyon na rin ang nagdaan. At kung sakaling ako ay voter sa mga araw na iyon, malamang naipakain ko lang ang balota ko sa PCOS machine nang blanko.

"Serbisyo sa bayan". Common term na iyan. At ang salitang POLITICIAN ay nagbago ng kahulugan. Kailan kaya maiaalis ang katagang CORRUPT na nakakabit sa isang POLITICIAN? Dahil kahit anong husay at linis sa pamamahala ng isang PULITIKO ay may mga tao pa ring nakakapagsumbat sa kanya ng gahaman.
PLATAPORMA? Ito ay lumalabas lamang tuwing sasapit ang eleksyon. Hidi mo rin masisisi ang mga pulitiko dahil mahirap talagang gumawa ng batas na ipapaunawa at susundin ng ilang milyong tao.

Hindi ba puwedeng ihambing ang halalan sa isang marathon? Di ba mas masaya kung sa iyong pagtakbo ay may kasabay ka na kakuwentuhan? Hindi iyong nagsisipaan, naglalamangan, at naghahamunan para lamang mauna sa finish line. Leadership pa naman ang position na pinagtatalunan..

Ganoon din sa mga botante. Ang magkakaibigan ay naging magkaaway dahil lamang sa mga pinunong nais nilang ihalal. Magkakaiba ang kandidatong sinusupurtahan. Ang kandidatong LIKE mo ay HATE niya pala. Kaunting usapan lang, napupunta na kaagad sa mainit na debate. Puwede nang pang FACE to FACE sa show ni Amy Perez. Ang masakit pa nito, ay kaunti lang sa mga botante ang mayroong tinatawag na RESPETO.

Binoto niya si M, samantalang ibinoto naman niya si H. Sana walang pakiaalaman. Respetuhan lamang.

Minsan naisip ko. Tama lang na hindi ako nakakapagboto. Walang pila, walang hassle, walang gulo. Maghihintay na lamang sa kung sino ang mananalo. Lasapin ang ganda ng kanyang pamamahala at magtiis na lamang kung ang paglilingkod ay baluktot. May katapusan din naman ang term niya.

Ganunpaman, ito pa rin ay mali. Sayang ang isang boto ko para sa totoo at karapat dapat na kandidato. Malamang sa susunod na halalan, makakasali na ako. Sa ngayong 2013, blanko pa rin ang balota ko.

Good Luck po sa inyo mga botante! Mga mamamayan ng Pilipinas.

Monday, April 1, 2013

Trabahong Part Time

Marami akong nakasalamuha na mga pinoy Part Timers dito sa Saudi. Sila iyong mga kababayan na may ibang pinagkakakitaan maliban sa trabaho kung saan sila nahire.

Para sa akin, wala namang masama sa ginagawa nila. Ang pag-asenso na hinahangad ng isang OFW ay tama lamang na sinasabayan ng sipag at tiyaga. Para sa kanila, sayang ang mga nalalabing oras ng isang araw na walang kikitain.

"Sayang ang oras. Sayang ang pagkakataon. Pera din yan!"

Isang halimbawa ang isang kababayan na dahil sa pagluto ng masarap na pansit bilang sideline ay nagresign sa pagiging secretary at nagtayo ng isang Pinoy restaurant sa tulong ng Arabo. Sa kalaunan ay lumakas ang negosyo at nagkaroon pa ng isang branch at isang panaderya. Maraming Pinoy ang nabigyan niya ng trabaho. Ang tagumpay niya ang nagpatikim sa amin ng mainit at malinamnam na pandesal na mabibilhan habang nagtratrabaho sa kaharian. Isa siyang inspirasyon na dapat talagang tularan.

Kadalasang may mga Part Timers ay ang mga Pinoy restaurants. Kung hindi waiters, ay makikitang nasa kusina. Malaking tulong ang mga part timers dahil kaunti lang naman talaga ang mga original na empleyado ng isang restaurant.

Meron ding nasa barber shops at saloons. Kung magaling lang din sana akong manggupit, e baka gawin ko rin ito. Kulang na lang ay bigyan ng transaction number dahil sa marami ang kliyente dito. Mahaba ang pila dahil napakarami ang mga kababayang may long hair, may puting buhok, at maduming kuko. Isang larawan na talagang napakasipag ng mga pinoy dito sa Saudi. Naging last priority na nila ang mag-ayos ng sarili.

Sa mga dependents naman ng mga OFW na nandito sa Saudi, sa kabila ng "Not allowed to work" na nakatatak sa mga visa ay may ibang nagkakaroon ng trabaho lalo na iyong may propesyon ng pagtuturo o accounting. Sila ang kadalasang kinukuha sa mga eskuwelahan para magturo.

Marami pang ibang pagkakakitaan dito sa kaharian kapag ang hanap ay pera. Kung talagang masipag at maabilidad lang. Ang iba ay bilang construction workers, private drivers, sale clerks, at marami pang iba basta di lang mapili sa trabaho.

Subalit nag-iiba na ang kalagayan ng mga Part Timers sa ngayon. Sa sunod sunod na pagraid ng mga Saudi Police sa mga establisments para hulihin ang mga ilegal workers ay kasama na rin doon ang mga kababayan nating Part Timers. Taliwas kasi ito sa mahigpit na labor rules ng kaharian. Hindi masama ang maghanap ng dagdag kabuhayan subalit ang batas ay batas. Wala tayong ibang magawa kundi ang sumunod na lamang.
Mababasa ang karagdagang impormasyon sa Arab News.

Kahit legal tayong mga OFW sa Saudi, hindi natin maiwasan na magkamali. Malamang dahil sa ating kakulangan sa kaalaman sa mga patakaran lalong lalo na sa batas ng kaharian. Ganunpaman, ang desisyon ay nasa atin pa ring sariling kamay.
_________________________________

Common Violations and Penalties by us ( for our informations)

#5. Practice of work by the dependent such as wives and children - SAR1,000 for first offense, SAR2,000 for second offense, SAR3,000 for third offense and the issue will be referred to Minister of Interior for termination of Iqama and deportation.

#7. Employing an expatriate with a visitor's visa - deportation if the visa is still valid. And if the employer is an expat resident (valid iqama holder), he should fined and considers himself for deportation.

#14. Sheltering the over stayer after performing Hajj assisting him to stay illegally in the country - if the violator is an expat resident, the fines is SAR10,000 or one month imprisonment and subject for termination of iqama and deportation.

#21. Expat resident working for another employer or for his own account - termination of iqama and deportation.

#28. Expat working for an employer other than the one recruited him - deportation and banned to return in the kingdom for two years.
______________________________