Mayabang.
Isang katangian na hindi ko kailanman inaamin ngunit parang libag na nakadikit sa akin nang hindi ko namamalayan. Ito raw kasi ang napapansin ng ibang mga nakakakilala sa akin.
"Kapag galing sa abroad, mayabang!"
Kaya lagi kong itinatanong sa sarili, mayabang ba talaga ako? At ang pag-aabroad ko ba ang naging dahilan nito?
Ilang buwan akong nawala sa amin. At sa tuwing ako'y uuwi, aking nararamdaman na tila ako'y estranghero sa aking lugar. Nandoon iyong pagkakataon na tila hindi ko na kabisado ang takbo ng usapan ng kapamilya o kapitbahay. Kung saan ba puwedeng isingit ang jokes na nakuha sa katrabaho o kung kailan simulan ang kuwentuhan sa pakikipagsapalaran ko sa abroad. Iyong tipong hindi na ako nakakasabay sa usapan ng bayan. At kung saan ba nababagay ang bawat salita mula sa bibig nang hindi nayayabangan ang kausap.
Kapag madaldal ka, mayabang ka. Kapag wala kang kibo, mayabang ka pa rin. Hindi maiwasan na magkuwento ng mga pagkain na natikman, mga kagamitang nabili at mga lugar na napuntahan. Ngunit minsan ang salitang lumalabas sa bibig ay di na pala maganda sa pandinig ng iba. May angas na at kayabangan! At kapag tahimik naman, ganun pa rin ang impresyon ng kausap.
Pakikisama. Siguro ito iyong wala ako. Hindi na kasi ako masyadong umiinom ng alak. Tuluyan nang nawala ang hilig sa inom nang nandito ako sa Saudi. At kapag naimbitahan ay hanggang isang bote na lamang. Kadalasan din akong tumatanggi kapag inaalok ng tagay. Sa nakakaintindi ng aking sitwasyon, malamang ako'y exempted. Ganunpaman sa iba, ang di ko pagtanggap sa kanilang paanyaya ay isa ng kahambugan.
Magkano bang sahod mo sa abroad? Isang tanong na iniiwasan kong sagutin. Kapag sinagot ko, siguradong may mayayabangan sa akin. Maliit o malaki man ang suweldong bibigkasin. Wala kasing naniniwala na talagang maliit ang sahod ko. At kailanman, ang usapang "May Puhunan" o Pera ay mahirap pag-usapan lalo na sa harap ng maraming tao.
Minsan bumisita ang isang malayong kamag-anak. Kaunting kuwentuhan muna sa simula hangga't naitanong kung saan at ano na ang mga investments ko. Natameme ako. Ano nga ba? Sa loob ng ilang taon, maliban sa narenovate ang bahay namin ay wala na. "Wala pa po e. Nag-iipon pa kasi". Hindi siya naniwala at pilit pa rin akong pinapaamin. Ayaw niyang maniwala na ilang taon na ako sa abroad ay wala pa ako ni isang kuwadradong lupa. At kapag walang naniniwala sa sinasabi ay ako na... Ako na ang mayabang.
"Sir kumusta na ang buhay sa abroad?", bati sa akin ng security guard ng bangko sa bayan. Paano kaya niya nahulaan na nasa abroad ang trabaho ko? Wala naman akong alahas sa katawan. Ni hindi pa nga ako nakabili ng malaking kuwintas o malabatong singsing na ginto. "Ako kasi lagi ang nag-aassist sa nanay mo na di alam gamitin ang ATM." Ngumiti ako at nagpasalamat sa lahat ng mga tulong niya. At di ko siya nakalimutan dahil sa mga salitang binitawan niya;
"Sa lahat ng nag-abroad, ikaw lang yata iyong kakaiba. Mabait, simple, at walang luho sa katawan."
Sa totoo lang, maraming galing sa abroad ang matagumpay dahil sa sila ay MAYAYABANG. Ipinagmamayabang na sa loob ng mahabang panahon ay nanatiling mabait at buo ang pamilya.
Ipinagmamayabang at hindi kinakalimutan ang simpleng pamumuhay nila.
Ipinagmayabang ang magandang kalusugan na tinatamasa nila.
Totoo ka dyan! =)
ReplyDeleterelate ako sau kabayan..tingin sa atin ng mga pinoy sa pinas, walking dollars, my suot o wala n mamahaling kwintas at singsing n ginto, basta abroad. walking dollars. d nila alam, ilng buwan ntin tiniis n mgtipid sa pagkain,pngagaylangan s araw araw n buhay ofw, upang mbili ang mga padala para sa pamilya.at pang gastos habang ngbabakasyon sa pinas or habang nghahanap ng bagong trabho para mkaabroad muli,
ReplyDelete