Graduation day...isang araw ng kasayahan at kalungkutan. Nakakarelate, dahil napagdaanan din naman yan. Ilang graduation ba ang ipinagdaanan mula kinder hanggang kolehiyo.
Ang pagtatapos sa eskuwelahan ay ang inaasam-asam ng bawat estudyante at pinapangarap ng isang magulang para kanyang mga anak. Ang pagtatapos din ang nagsisilbing inspirasyon ko noong nasa elementarya pa. Papasok ng walang baon, paulit -ulit ang ulam na tuyo, at pabalik-balik ang suot na uniporme. Matatapos ang hirap kapag nakamartsa na. Ngunit ang lahat ng ito ay balewala dahil ang mga batang lumaki sa hirap ay masigasig mag-aral hanggang sa makapagtapos. Dala ang paniniwala na ang edukasyon ang mag-aalis sa amin sa kahirapan.
Nang sinapit ang high school, naulit muli ang dinanas. Hanggang sa nakuha ang kursong hindi naman pinangarap ngunit sadyang ibinigay dahil walang pagpipilian. Ikaw ba naman ang papipiliin sa dalawa: kursong di mo gusto o walang kurso!
Mabuti na lamang hindi ako naniwala na pagkatapos ng graduation ay gaganda na ang buhay. Mali ang pananaw na iyan. Dahil pagkatapos ng kolehiyo, paghahanap sa trabaho na naman ang kailangan suungin. Makikipagkumpetensiya para makahanap ng magandang kumpanya. Makatanggap lamang ng sahod para hindi na humingi at umasa pa sa magulang.
Para sa akin, ang pagiging matagumpay ng isang tao ay hindi nakukuha sa taas ng pinag-aralan o mamahaling eskuwelahan. Ang tagumpay ay kung masaya ka sa buhay sa kabila ng propesyon at trabaho. At ang sinasabing trabaho, ay matutunan mo naman ito kahit hindi ka nag-aral sa isang eskuwelahan. Kailangan lang talaga ito dahil kasama ang educational attainment sa qualification. Maliban na lang kung career profession ang gusto tulad ng abogado at doktor. Dahil ang work attitude at ethics naman ay nasa sarili at hindi galing sa mga teacher. At hindi lahat ng tao na nakapag-aral ay matagumpay dahil ang iba diyan ay magagaling na businessman kahit di nakapagtapos ng elementarya.
Ganunpaman, sa kasalukuyang panahon kailangan ng isang individual na maging competitive na tanging sa paaralan lamang natututunan. Mas mataas ang magiging market value ng sarili kapag nakapag-aral. "Education is the key to Success", wika nga.
At sa kabila ng pag-usbong ng mga teknolohiya, (facebook, cellphone), may ibang mga kabataan na nanatiling salat sa buhay. At katulad ko rin dati, sila ay naniniwala na ang edukasyon ang babago sa antas ng pamumuhay.
Sa eskuwelahang ito, dito ako natutong magsulat ng ibang titik maliban sa pangalan ko na itinuro ng mga nakakatanda kong kapatid. Dito ko rin nalaman na may numero pa pala pagkatapos ng 10 dahil yon lang ang natutunan ko sa bahay. At sa eskuwelahan na ito, nililingon ko ang napakaraming alaala ng aking kabataan.
Hindi maitatanggi na may naimbag ang paaralang ito sa antas ng pagbabago sa buhay ko. Hindi ko pa masasabing isa na akong matagumpay na tao dahil may mga gustong bagay pa ako na di ko pa kayang abutin. Kaya sa susunod na pasukan, tutulungan ko ang aking mga kabarangay para sa kanilang "kusang loob" na aktibidad. Sa ganitong paraan ay unti-unti kong masuklian ang naibigay ng paaralan sa paghubog ng aking sarili.
Isang pampubliko ang paaralan at di naman kalakihan ang babayaran ngunit dahil sa hirap ng buhay, kahit bente pesos na bayarin ay napakalaking isyu na tuwing pag-uusapan.
Hindi lamang isa, kundi 20 mag-aaral ang madadagdag sa mga estudyanteng walang babayaran na miscellaneous. Idadagdag sila sa mga estudyanteng tinutustusan na ng mga barangay officials, mga kabarangay na nakakaangat sa buhay, at mga nagtatrabahong mga indibidwal. Maraming salamat sa kanilang paniniwala na kailangan ng bawat isa na magtulungan para makapag-aral ang lahat ng mga kabataan sa aming barangay.
Gustuhin ko mang iadopt ang buong eskuwelahan pero hindi pa kaya ng sariling bulsa. Kunsabagay, wala namang imposible kung maraming tao ang tumutulong.
Ang makikita sa ibaba ay ilan lamang sa mga larawan na nakunan sa isang masaya at matagumpay na Christmas Program last December 2013 in Malayan Elementary School.