Thursday, January 12, 2012

NAIA - More Fun?

Good News. May bagong slogan campaign ang Department of Tourism, "It's more fun in the Philippines". Kahit ano pang slogan yan, "Choose o Wow Philippines", basta kapag dito ka sa Saudi, talagang aandar ang homesick sa napakagandang bansa na kinagisnan . Ang campaign na ito ay para makaengganyo ng mga turista at dayuhan  para bisitahin ang bansa, kaya "Utang na loob, bisitahin niyo naman ang Pilipinas!"

Good News. Magroroll back ang terminal tax ng NAIA mula P750 at magiging P550 na! Napakagandang balita!

NAIA terminal 2
Sa opinyon ko, walang problema kung magbago man ng brand name ang DOT dahil hindi naman ang titulo ang nagtataas ng turismo. Kilala na tayo dahil sa ating magagandang lugar. Kapag nagbasa ka ng mga travel blogs ng mga dayuhan, talagang pipiliin nila ang lugar natin. Manghang-mangha sila sa ganda ng kapuluan natin. Iyon nga lang sa dami din ng puna at hirap na dinanas, parang inilagay na lang ang Pilipinas sa isang larawan at hinayaang kumupas. Para makamove-on ang DOT, unahin muna nilang ayusin ang gusot sa pangunahing pinto ng mga turista sa bansa, ang paliparan.

Airports. Perwisyo ang tawag sa nararamdaman at daratnan sa NAIA lalo na sa terminal 1. Sa pagbabasa ko ng Yahoo News tungkol sa paliparan natin, talagang makakarelate ako. Akala ko dati, ako lang ang nakakapuna. Mahabang pila (madami pala ang gustong umalis sa Pinas), at iyong mga empleyado na nagpaparinig at nanghihingi ng gift, souvenirs, pera, at iba pa. Totoo po iyon. Noong unang uwi ko, iniwan ko ang mga bags ko sa lapag, doon malapit sa may nakatayong security guard para kumuha ng pushcart. Pagbalik ko humihingi ng pangkape si Sir. May kapalit pala ang bawat serbisyo sa NAIA. Mabuti na lang at may tira akong peso noong umalis ako. OFW at lokal ako pero may ganoong eksena, paano na kaya kapag foreigner na? Isa lang ako sa napakaraming lokal at dayuhan na nakaranas ng ganoon kagandang pagtrato.

Sa mga isyung pangingikil, pandurugas, pangongotong at mga under the counter na mga binabayaran ng mga turista at mga OFW, sana'y matanggal na ito. Ito'y sakit na nakakaapekto sa ating lahat. Totoo, luma ang pasilidad at terminal natin at kapag irerenovate nila ang airport, isama na rin ang mga kawatan at masusungit na immigration, customs, at airport staffs. Kinahiligan na yata nila ang magsungit at manigaw sa mga bagong dating na halos pagod at walang tulog dahil sa ilang oras na biyahe. Kaunting pasensiya at paggalang naman!

Kung napaswerte at di nakapaglabas ng pera sa loob ng airport, babanatan ka naman doon sa paradahan. Sa ilang beses kong pag-uwi, isang beses lang akong nakasakay sa airport taxi na hindi naholdap. Holdap kasi ang tawag kapag napasobra ang bayad dahil sa demand ng driver. Padagdag daw!Minsan, hiningan ako ng imported na sigarilyo, ni ako nga di naninigarilyo. Patawa. Swerte ang may mga kamag-anak na sumundo pero yung mga uuwing probinsya, napakamalas. Hindi naman tayo maramot sa mga tao lalo pa't  maganda ang serbisyo.

Mula dito sa disyerto, sana sa muling pag-uwi ko, may ipinagbago na sa NAIA. At lahat ng mga OFW ay sasalungat kapag sinabing worst airport ang NAIA. It's more fun in the Philippines!

Wednesday, January 4, 2012

Usapang Pork, Tax, at Bonus

Bawal po ang masarap!
 DBM Secretary Florencio Abad urged the public to remain vigilant on how the government spend its money. Pakibasa dito!

Ewan! Di ko lubos maintindihan ang tinatawag na pork barrel. Di rin kasi ako interasado basta usapang pangpulitika. Pero sa dami ng numbers na involve sa usapang pork and barrel, e kahit sino naman siguro pwede ring makiusyuso kahit ang isang katulad ko.

Tuwing Disyembre sa kumpanyang pinasukan ko dati sa Pinas, lahat ng empleyado ay excited na malaman kung naabot ba ng kumpanya namin ang sinasabing production target at kung malaki ba ang kinita. Dito kasi nagbabase ang namumuno at mga stockholders para magdeclare ng Christmas bonus na ni kahit minsan ay di pumalya. At kapag kumpirmado, hayun, sobrang saya namin. Dahil sa bonus na ito, nagbibigay ito ng dagdag na dedikasyon para magsikap at pag-ibayuhin pa ang trabaho dahil  parang nagkokomisyon din kami. Tuwang tuwa na makita ang payslip sabay dismaya. "Tax?". Malaki sana ang bonus pero dahil sa sobrang bait at honest ng kumpanya namin sa gobyerno, ang laki din ng pera na naibawas. Hanggang 25 thousand lang sa annual income ang non-taxable kasama na doon ang 13th month pay. Ibig sabihin noon, halos lahat ng sahod at overtime ko ay may tax. Parang nakakapanghinayang din na ganun kalaki ang naiambag ko kapag nakita ang Income Tax Return!

Di bale para naman yon sa bayan di ba?


Ang tax ang naging income ng gobyerno. Siguradong dito na rin kinuha ang Pork Barrel. Ewan ko, dapat wala akong pakiaalam sa mga ganito dahil di pa naman ako nakakaboto. Yon ang karapatang natanggal kapag hindi nakapagboto, ang makihalo sa usapang pulitika. Pero paano naman ang pamilya, kamag-anak, mga kaibigan ko na nasa Pinas at naging mabuting mamamayan ng bansa?

Ang pork barrel at tax na sinasabi ay di ko maramdaman sa mga lugar na inuuwian ko. Bako bako ang daan at  may mga tapal ang mga butas. May kalsadang under construction ng ilang taon na, at mga road widening projects na ilang metro lang. Ang mga eskwelahan na sobrang luma na at baka isang guhit lang ng lindol ay maduduwal na. Kung di active ang PTA, malamang animo'y haunted buildings na ang mga pampublikong paaralan. Ang mga pampublikong ospital na kulang sa kasangkapan. Ewan! Di yata naambunan ng Pork Barrel ang mga lugar na tinutukoy ko dahil siguro wala namang senador na galing sa lugar.

Dito sa Saudi, kabaligtaran ng Pilipinas. Buong buo kong nakukuha ang sahod, overtime, at bonus. Para sa akin, bilang empleyado, ay dapat makuha ko iyon ng buo dahil pawis at luha ko ang naging puhunan.
Di ako tutol sa VAT at Pork Barrel pero sana, ang nakikinabang nito ay di lang iilang tao at di lang iilang probinsya ang nakakaramdam. Sa laki ng halaga na ginagastos ng pamahalaan taon-taon, e sana napakaunlad na natin at di ko na sana kailangang umalis sa kumpanya na dati kong pinasukan. Ewan!

Sunday, January 1, 2012

Mukha ng bahay, Mukha ng OFW

Noon
 
Ito ang mukha ng bahay namin maraming taon na ang nakaraan. May dalawang maliliit na kwarto. Tumutulo ang kugon na bubong, may bitak ang lumang tabla na dingding, at lumalambot ang kawayang sahig.

Ang laki ng ipinagbago niya simula noong nakapag-abroad ako. Ang lumang gamit ay unti unting pinalitan ng mas matibay at makukulay na materyal.



Ngayon
 Ito ang bahay namin ngayon. Animo'y kumikindat habang kinukunan ko ng litrato. Ilang taon ding binihisan ni Erpat bago magmukhang kaaya-aya. May apat na kwarto sa loob, malawak ang sala at kusina.

Ang bahay namin ay di kamahalan kung ikumpara sa mga magagarang bahay na naipundar ng ibang OFW. Para naman kasi sa akin, di naman mahalaga ang pisikal na anyo ng bahay. Ang importante ang tibay at samahan ng mga taong nakatira dito


Ganunpaman, tuwing umuuwi, di ko mapigilang hanapin ang lumang mukha ng bahay namin. Bukod sa anyo nito ay mga alaala ng buhay namin noon. Ang mga panahong, nagsisiksikan kaming magkakapatid para hindi mabasa tuwing tag-ulan. Ang panahong, nagtutulungan dahil nahulog na naman ang takip ng bintana. Ang panahon ng kabataan at karukhaan. Ang simple ngunit matiwasay na pamumuhay ng buong pamilya.

Ito ang bahay namin. Nag-iiba man ang panahon pero ang mga memorya ng kahapon ay bukod tanging nakatatak sa bawat sulok nito na nagpapatibay ng isang pamilyang Pilipino.

(WELCOME 2012 )