Saturday, March 24, 2012

Mahirap maging Malusog

"Uminom ka ng gatas, ikaw ay lalakas. Kumain ka ng itlog, ikaw ay lulusog." Inggit na inggit ako sa kantang ito noong nasa elementarya pa ako. Kung itlog nga ay madalang lang naming ulam, ang gatas pa kaya!
Kaya ako ay patpatin dahil kulang daw ako sa mga kinakain sabi ng isang titser. Paminsan-minsan daw, kailangan ko ring kumain ng karne. Panay kasi napapansin ni titser na laging tuyo ang baong ulam at masama ito sa kalusugan ng mga bata. Patpatin nga ako pero di naman ako sakitin.
Mahirap ngunit masaya talaga ang buhay sa lugar na malayo sa kabihasnan. Sa lugar na ang pagbubukas ng lata ng sardinas o noodles sa hapag kainan ay para sa mayaman at maykaya. Halos 12 taon kong naranasaan ang walang kalsada at kuryente.
Pinakas - salted and dried fish
Maliban sa mga gulay na napipitas lang sa paligid ay tuyo na ang lagi naming ulam. Yun lang kasi ang nakakatagal. Di ko malilimutan ang pinakas (isda na hinati sa gitna at ginawang tuyo). First class na isda daw ito ang sabi ni Ermat. Isa pa yung tuyo na goodbye-my-head dahil kusang natatanggal ang ulo kapag piniprito. Ang tuyong dilis na animo'y pako sa lalamunan pero masarap kapag nilamas sa may labanos. Ang bagoong alamang na nakakaengganyo ang amoy kapag ipinatong sa mainit na kanin. Ang bagoong isda na hinalo sa binate na itlog. Oo nga pala, ang itlog na kailangan pang nakawin sa pugad ni Henny Penny. Di naman marunong magbilang ang manok at di niya malalaman na may bawas ang itlog niya.

Alamang
Sa ngayon. marami ang namamatay dahil sa stroke. "Dahil kasi sa mga kinakain kaya high blood at nastroke!", sabi nila. Kahit anong pagkain yata ngayon ay may mga disadvantages. Kahit nga ang mga prutas at gulay, minsan ipinagbawal sa pasyente. Masyadong matatalino at maraming natutuklasan ang mga tao. Kaya nga nauuso ang takal sa kanin pero unlimited sa ulam at ang tinatawag na diet. Kaartehan lang iyon ang sabi ng iba at para sa akin, isa iyong pagtitipid. Mahal na kasi ang bigas!
Kung dati kahit walang masarap na ulam ay nauubos ang kaldero ng kanin, ngayon ay kabaligtaran. Nauubos ang ulam at nababahaw ang kanin. Madalang lang ngayon ang isang klase ng ulam sa hapag-kainan, minsan akalain mong pista. Sana pag-aralan ng mga dalubhasa kung alin ba ang mas risky. Ang malakas sa kanin o malakas sa ulam?
Mahirap talaga ang maging malusog. At mahirap talagang igiit na di ako tumaba kahit malakas ako sa kanin lalo na kapag tuyo ang ulam.

Saturday, March 17, 2012

Pinoy Permanent Family Visa

Hindi lang dalawang beses kundi paulit-ulit kong inievaluate ang benipisyong ito. May mga pangamba ngunit marami na rin namang pamilyang Pilipino ang nakaraos at nakasanayan na ang konserbatibong pamumuhay dito sa Saudi.

Kadalasang nagdadala ng mga pamilya dito ay yong may mga supervisory positions at mga direct hired employees ng kumpanya. May karagdagang benipisyo kasi para sa isang empleyado kung kasama ang pamilya. Maliban sa kasama mo na ang pamilya ay sagot pa ng kumpanya ang family housing, family medical insurance, vacation flight ticket at education ng mga bata.

Ang mga sumusunod na mga dokumento ang mga kakailanganin para sa pag-aaply ng permanent family visa. Madalas ang asawa o kamag-anak na nasa Pilipinas ang gumagawa nito
1. Diploma at Transcript of Records (orig)
2. Marriage Certificate (orig)
3. Birth Certificates ng mga anak

Original copy with attestment
Ang mga dokumentong ito ay kailangan attested ng DFA at naka red ribbon.
Ang original diploma at TOR ay kailangang kunin sa university kung saan tayo nagtapos. Sa mga non-degree holders, ang diploma ay kailangang authenticated ng TESDA at sa mga degree holders ay ng CHED sa rehiyon. Halimbawa kung nakapagtapos ka ng kursong Mekaniko sa isang trade school sa Laguna, ay kailangan mong ipauthenticate ito sa TESDA region 4. Kapag naisubmit mo na ito sa TESDA, sila na ang bahalang magpaattest sa DFA at isesend nila ito sa iyo through DHL. 
Para naman sa marriage at birth certificates, kailangan mo lang mag-apply sa NSO at sila na ang mag-aasikaso ng attestment ng iyong mga certificates through DHL. Lahat ng mga transaksyon ay may mga bayad. Alam naman natin na walang libre sa Pinas.

Kapag kumpleto na ang mga dokumento, kailangang ipadala ito dito sa Saudi. Bilang direct hired employee, ito ang mga ginawa ko. Pasalamat na lang dahil may ganitong department sa kumpanya. Medyo di kahirapan ang pag-aaply at walang babayaran.
1. Ipinatranslate sa Arabic ang diploma at TOR, marriage and birth certificates.
2. Referral Certificate mula sa Human Resource ng kumpanya na ako ay entitle ng family status at may karapatang mag invite ng pamilya. Kailangan ito para makapag-apply ng Family visa.
3. Pumunta sa Goverment Relation ng kumpanya para sa mag-apply ng family visa at  "yellow slip". Kailangan mong isubmit ang original na diploma, TOR, marriage, birth certificates ng mga anak, dependent passport clear copies, referral certificate, at iqama clear copy.

Arabic translated documents
Kapag natanggap na ang yellow slip, kailangang ipadala ito sa agency sa Pinas kung saan tayo nahired. Sila ang mag-aasikaso nito para mapadali. Tanging ang agency lang ang inientertain ng Saudi embassy sa Pinas sa mga ganitong bagay. Ang serbisyong ito ng agency ay may bayad. Di naman natin iniisip yong bayad, ang mahalaga ay makasama na ang pamilya.
Ito ang gagawin ng mga dependents sa Pinas.
1. Ihanda ang kakailanganing transaction fees sa agency.
2. Isubmit ang original passport sa agency.
3. Maghanda sa medical examination referred by agency.

Kapag ayos na ang lahat at nakastamp na ang visa sa mga passports, pwede na tayong bumili ng flight tickets para sa pamilya.

Tuesday, March 6, 2012

May Scholar ka ba?

Masayang Pagtatapos.
 Marso na naman, araw ng pagtatapos.

Para sa isang OFW, ligaya at ginhawa ang dulot ng buwang ito. Sa wakas, tapos na rin ang pinapaaral na anak, apo, kapatid, pinsan, pamangkin, anak ng kaibigan, anak ng kapitbahay at kung sinu-sino pang kakilala na humihingi ng suporta para makapag-aral. Minsan, iniisip nang magpatayo ng isang foundation para lang mabigyan ng edukasyon at tulungang makapag-aral ang mga kabataan.Sa pagsisikap sa ibang bansa ay todo din ang sikap ng mga kabataang ito na makapagtapos hindi lang dahil sa sariling pag-asenso kundi para makabawi sa mga taong tumutulong sa kanila. Kaya nga yung mga Anak ng Pinoy Expats ay nagsisikap sa pag-aaral para pauwiin na ang mga magulang na OFW at sila naman ang magtatrabaho bilang ganti sa sakripisyo nila.

Para naman sa ibang OFW, ang buwang ito ay perwisyo at disappointment ang nararamdaman dahil kabaligtaran ang nangyari at di sumang-ayon sa mga gustong plano. May iba kasing kabataan na talagang mahirap umintindi sa katayuan ng isang OFW. Kung bakit nasa ibang bansa. Kung bakit madalang lang umuwi. Kung bakit mas pinili ang magtrabaho sa dayuhang bansa kaysa atupagin ang pamilya.
At dahil OFW ang isang kapamilya at medyo guminhawa ang buhay, ay halos tamad at wala nang ganang mag-aral. Nagrerebelde at nawawalan ng respeto. Maraming hinihinging luho tulad ng gadgets, damit at marami pang iba. At dahil OFW at para makabawi ay nasusunod ang mga kagustuhan nito.

Kung tutuusin, malaking porsyento sa remittance na ipinapadala ng OFW ang napupunta sa tuition. Kadalasan ngang rason ng isang OFW kung bakit nasa abroad ay para mabigyan ng magandang buhay ang pamilya at makapagtapos ang mga bata. Ngunit minsan, di naiintindihan ng kabataan na ang magandang buhay na sinasabi ng kapamilyang OFW ay isang cycle na kailangan din ng kanilang tuloy-tuloy na partisipasyon.

Kaya ngayong Marso, ilan pa ba sa mga kabataan ang naghahangad na sana makauwi na ang kapamilyang nasa ibang bansa? Ilang graduating students kaya ang naghihintay at humihiling na sana makauwi si Papa na nasa Saudi sa graduation niya? Ilang estudyante kaya ang nagpapasalamat at iniaalay ang kanilang mga diploma sa mga OFW na sponsors nila?

Happy Graduation!