Thursday, October 17, 2013

Pagbarog Bohol, Bangon Kabisayaan


Conversation sa facebook noong October 15, 2013, 9am Saudi time.

OFW1: kumusta na ang lugar niyo?
OFW2: masyadong kawawa.. pati bahay ko.
OFW1: bakit. nadamage?
OFW2: sobra
OFW1: kumusta naman ang pamilya mo, ok lang ba sila?
OFW2: sa awa ng Diyos, safe naman silang lahat..
OFW1: hayaan mo na yang bahay. tayo ka na lang ulit ng bago. Ang mahalaga buo ang pamilya!

Isa sa mga kasamahan ko sa trabaho ang madaliang inayos ang mga dokumento para makauwi. Pinadapa ng 7.2 magnitude na lindol ang bahay na matagal niyang pinag-ipunan sa Bohol. Hindi na puwedeng tirahan ang kanilang bahay.

Hindi na kami nagpang-abot dahil magkaiba kami ng shift sa trabaho. At kahit holiday, nakipagcooperate ang mga staffs ng kumpanya para mapabilis ang kanyang pag-alis. Humangos ang government relation officer na isang Saudi national sa tawag ng emergency para ayusin ang kanyang visa.

Lumipad na siya kanina at bukas, makikita na niya ang kanyang pamilya na naghihintay sa isa sa mga evacuation center sa Bohol.
______________________________________________

Nakapanlulumo ang pangyayari sa Kabisayaan, lalong lalo na sa Bohol na sentro ng kalamidad.

Bohol -ang unang lugar sa Pilipinas na aking napuntahan simulang nasa abroad ako. At kahit di ko na naulit ang bumalik doon, nakatatak pa rin sa isipan ang napakagandang lugar na iyon. Ito ang lugar na dapat ay makita o kahit masilayan man lang ng bawat batang isinilang sa Pilipinas.

Ang tanawin sa Bohol ang kadalasang basehan ko ng magandang pasyalan. Katulad ng snorkeling site, ang Marine Sanctuary sa Balicasag island ang nanatiling una. Doon ko lang naranasan ang lumangoy kasabay ng napakaraming isda na animo'y nasa loob ng aquarium.
Snorkeling with fishes in Balicasag island, Bohol. Photo from Ms. J.
Sa pananampalataya, ay di ko na kailangang sabihin pa. Kitang kita sa ibidensiya. Ang dami ng lumang simbahan.
Dauis Church, Bohol

Maulang bisita sa Baclayon Church.

.
Ang Boholano ay  may malasakit sa kalikasan. Ang Chocolate Hills at tarsier na tanging nakikita ko lang sa libro at telebisyon ay personal na napuntahan noong 2008. Kung walang malasakit ang mga naninirahan dito ay malamang kahit ako ay di ko na sila naabutan.




At maraming lugar pa ang naipreserba at inaalagaan kaya ito'y naging isa sa mga paboritong tourist destination ng bansa.

Ang kahalagahan ng isang lugar ay dapat nating malaman. Ang pag-iingat sa likas na yaman na mayroon tayo ay dapat tularan. Ang pagpapahalaga at pagsisikap na panatilihin ang ganda ng mga sinaunang infrastructures ay kultura at kayamanan na ipinagmamalaki natin sa buong mundo. Para sa akin quota na kayo taga Bohol. Naabot niyo ang sukdulan na iyon. Ang pagpapanatili niyo sa ayos ng isang lumang bagay para sa kapakanan ng susunod pang henerasyon ay di mapapantayan.

Ang bawat pangyayari tulad ng  kalamidad ay may dahilan. Pagkatapos ng bawat unos ay may kasayahan. Batid namin ang pagdadalamhati sa mga nawalang mahal sa buhay. Hindi lamang sa mga taga Bohol kundi pati na rin sa lahat ng apektado sa Kabisayan. Ipinapanalangin namin kayo. Alam ko kaya niyo iyan. Matatapang yata ang lahi ni Dagohoy!

Pagbarog mga Boholanon...Barog Kabisayaan...

2 comments:

  1. kakalungkot nga pareng James.
    on side note, tayo magkakasama sa trip na yan, ako yata yung isa sa kasama mo sa snorkeling picture. =)

    ReplyDelete