Sariwa pa rin sa kanyang pandinig ang mga salitang binitawan ng panganay na lalake.
"Bakit mo nagawa yan sa nanay, itay? Iniidolo pa naman kita." Tumutulo ang luha habang tinatanong siya.
Napaiyak din siya sa tinuran ng anak. Hindi niya inaasahan na kausapin siya at ipamukha sa kanya ang nagawang pagkakamali.
Ewan nga ba. Kung kailan siya nagkaedad ay doon pa siya nagkalakas ng loob na maghanap ng ibang kaligayahan. Mahal na mahal at ipinagmamalaki niya ang kanyang pamilya. May mabait na asawa at masunuring mga anak. Ngunit tila may kulang na di niya maipaliwanag. At ang kakulangan na iyon ay nahahanap niya sa iba.
Sa kanilang tahanan, ang silid nilang mag-asawa ang naging saksi sa paglunok niya ng kanyang kahinaan. Kung ilang beses siyang nahuli at napaamin ay ganun din ang pagpapatawad na iginagawad sa kanya. Ngunit tila nga ba mapaglaro ang panahon. Kung sino ang madaling magpatawad ay siya pa ang paulit-ulit na naloloko.
"Binugbog mo na lang sana ako...dahil ang pasa at sugat ay madaling gamutin, pero ang puso na paulit-ulit mong sinasaktan ay matagal maghilom," impit na iyak ng asawa.
Ang tatay ay ang haligi ng tahanan. Ngunit sa pagkakamali ng isang ama, ang tahanang pulido ay nagbabadyang bumigay. At habang tumatagal, nagiging masalimuot ang kanilang pagsasama. Nandiyan pa rin ang respeto ngunit ang buong pagtitiwala ay di na maibabalik.
"Kung hindi ka na masaya sa amin..puwede mo naman kaming iwan..Malaki na ang mga anak natin. Di ka namin pipigilan," matapang na sambit ng kabiyak sabay pahid sa luha na dumaloy sa pisngi.
Sa paglisan niya ay ang pagkarupok ng tahanan na pinagtulungan nilang buuin. Nawalan man ng haligi ngunit di ito sapat para ito ay malugmok at malumpo. Nakaalalay at pinapatahan ng mga anak ang naghihinagpis na ina. Ang tahanan na dating masigla ay nabahiran ng kalungkutan. Ngunit sa pagdaan ng panahon, unti unting nitong nabubura ang sugat na dulot ng nakaraan.
Ang pagkawalay niya sa kanyang pamilya ang nagpatino sa kanya. Doon lamang niya napagtanto na ang pamilya ang napakahalagang kayamanan na meron siya. Sa malayong lugar, hinahanap niya ang pag-aasikaso at pagmamahal ng babaeng pinakasalan niya. Ang harutan, kuwentuhan, at tawanan ng mga tsikiting niya. Ang kasayahan na tila sumasabog na liwanag sa tahanan nila. Sabik siya sa pamilya niya....ang pamilya na kanyang ipinagkanulo at winasak.
At ngayon, nakangiti at animo'y kumikislap ang kanyang mga mata habang binabagtas ang eskinita palabas ng pandaigdigang paliparan. At sa kalayuan at gitna ng umpukan ng mga taong naghihintay sa mga bagong dating, ay ang tindig ng mga taong pamilyar sa kanya.
Ang mahal na asawa at mga anak na hindi nakita ng halos tatlong taon, nakangiting kumakaway sa pagdating niya.
-Wakas-
Ito ay ang aking lahok sa patimpalak ng Saranggola Blog Awards 5
Kategorya: Maikling Kuwento
Good afternoon Mr. Dela Cruz! In behalf of the Migration Advocacy and Media (MAM) Awards Secretariat, this is to formally inform you that your entry was among the winners for the MAM Awards 2013. We have been trying to contact you thru your email address but our message kept on bouncing back. Please contact us asap via mamawards@cfo.gov.ph
ReplyDeleteThank you!