Madaling malaman ang mga baguhang OFW sa airport dahil sa bitbit na brown envelope. Ganyan din ako noon! Magkagrupo at ang iba nakauniform pa.Bago pumasok sa airport, ang mga OFW ay papasok muna sa OFW lounge sa kanang bahagi ng airport. Sa mga first timer, dito ipinapaliwanag ng agency recruiter ang detalye ng flight at ang gagawin mo paglabas sa final destination mo. Kung sino ang kokontakin at kung may naghihintay sa atin sa destinasyon. Doon din tayo iniiwanan ng ating mga agency recruiters habang hinihintay ang pagbukas ng counter ng flight natin.
Nasa loob din ang POEA kung saan kailangan nating ipaverify ang ating OEC. Pipila ka dun para ito'y tatakan.
Makakabili ka rin ng roaming sim, at makaopen ng savings account sa loob habang naghihintay ng flight. |
1. Dadaan ka kay Mamang Guard. Iwasan ang magbitbit ng anumang bagay tulad ng celphone, ipad, player at iba pa. Ipasok ito sa bag mo. Pabilisan ang transaction dito kaya posibleng may mawala ka. Dadaan ang bagahe mo sa X-ray machine at ikaw ay sa metal detector device. Kaya mas mainam, na huwag magsuot ng mga metal at panatilihing simple sa biyahe. IPAPAKITA MO: itinerary flight ticket at passport. IBABALIK SAYO: ang ipinakita mong dokumento.
2. Hanapin mo ang counter ng iyong eroplano at pumila. Ihanda ang iyong passport(visa). May airline personnel na magveverify nito, May nagpapartial check din ng bagahe mo kung ito'y overweight kaya iwasang magdala ng aparador. Papabawasan din sa iyo iyan. Allowed ang isang pasahero ng isang cabin bag.
Sa airline check in counter, may ground airline staff para magverify. IPAPAKITA MO: itinerary flight ticket, passport at OEC. IBABALIK SAYO: itinerary flight ticket, passport, OEC, boarding pass at baggage numbers ng check-in bags mo. Sasabihin din sa iyo ang mga informations na nakasulat sa boarding pass.
3.Kadalasan habang pumipila ka sa counter, may ibibigay sa iyong papel na galing sa POEA. Fill mo ito habang hindi ka pa busy, magagamit mo ito pagkatapos mong makuha ang boarding pass mo. Papasok ka na sa lugar na describe ng marami, ay may mga buwaya. Una ang POEA collecting counter, sa bandang kaliwa ang lane ng mga OFW. IPAPAKITA MO: boarding pass at OEC. IBABALIK SAYO: boarding pass at 2 copies ng OEC na m,ay tatak na OFW. Libre ka ng terminal at travel tax fees.
Confirmed OFW ka! |
4. Dumiretso ka na kaagad sa immigration counter.IPAKITA MO: passport, OEC, boarding pass at ang POEA form. IBABALIK SAYO: passport na may tatak na "depart", OEC, at boarding pass". Minsan may, itatanong din sa iyo, sagutin mo lang ng maayos.
5. Another security measures.IPAKITA MO: medyas mo! Hubarin ang belt, relos, pitaka, sapatos, at lahat na kumikinang at bakal sa katawan. Ang iyong gamit ay dadaan ulit sa X-ray at ikaw ay sa metal detector. Mas strikto dito, kaysa noong papasok pa lang sa airport. IBABALIK SAYO: perwisyo! Di na bale basta safe lang ang mga pasahero! Tandaang bawal ang liquid at gel sa cabin bags.
6. Pre-departure area. Paglapas mo ng Duty Free at pasalubong stores, ay hanapin mo ang gate na nakasaad sa iyong boarding pass. Ang Middle East ay nasa kanang bahagi ng hallway. IPAKITA MO: boarding pass at passport. Pipilasin nila ang boarding pass hudyat na ikaw ay nasa predeparture area na. IBABALIK SAYO: passport at ang maliit na parte ng boarding pass.
Magpahinga ka na! Ihanda mo ang sarili mo sa walong oras o higit pa na biyahe at habang naghihintay ng oras para mag check-in, tawagan mo o itext ang mga mahal mo sa buhay. Magpaalam ka ulit. Kung tutulo ang luha mo, hayaan mo lang. may ganun talagang eksena. Magtira ka lang ng isang daang peso para pangroaming ng sim mo.
Pag oras nang pumasok sa eroplano, huwag magmamadali. Hintayin mong tawagin ang iyong seat number na matatgpuan din sa iyong boarding pass. Walang ibang uupo sa upuang nakalaan para sa iyo. Iactivate mo na sa roaming ang telepono mo. Kung Smart sim ka, type ROAM ON at isend sa 333.