Maliit pa lang kaming magkakapatid, isinasama na kami ng tatay kong sundalo sa paninirahan sa isang kampo sa Mindanao. Nakakaawa kasi si tatay kung mag-isa lang siya sa kampo. At mas iba talaga kapag buo ang pamilya. Marami din namang mga sundalo ang nagdadala ng pamilya sa kampo kaya nakisabay na rin siguro sa agos at nakapagdesisyon nang ganoon si nanay.
|
Larawan kuha mula sa net. |
Lumaki kami kasama ang mga sundalo. Kung saan sila madidestino, ay kasama din kaming mga pamilya. Natirhan namin ang South Cotabato, Davao del Sur, North Cotabato, at Maguindanao. Kaya hindi na bago sa amin kung marami kaming paaralan at kahit kaming magkakapatid ay hindi pare-pareho ng ALMA MATER.
Lahat kaming mga bata sa kampo, iniidolo ang trabaho ng aming mga tatay. Bakit? Dahil ginagawa nila ang kanilang makakaya para ilihis ang mga taong nais manggulo at para hindi masaktan ang mga sibilyan.
|
Ang magandang tanawin na ito ay matatagpuan sa Maguindanao. |
Mula sa mga rebelde, nagkaroon nang sagupaan ang mga sundalo sa Moro National Liberation Front (MNLF) sa probinsiya ng Maguindanao at ilang bayan sa North Cotabato. May pagkakataon pa nga na kaming mga kabataan ang nagdadala ng bala ng kanyon mula sa taguan nito para ibigay sa gunner na siyang hihila ng tali para ito paputukin. Iyon ay dahil wala ang mga tatay namin at kakaunti ang mga sundalong naiwan sa kampo.
Noong naging integrated ang MNLF at nagkaroon ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), medyo mapayapa na. Ngunit, ilang buwan lang ang itinagal nito dahil dumating ang isang sigalot kung saan ang mga Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang naging katunggali ng pinagsanib na puwersa ng AFP at Integrated MNLF.
Taong 2000, kasagsagan ng mga giyera sa Maguindanao, napadaan kami sa isang eskuwelahan sa bandang Buldon. Kagagaling lang namin noon sa isang school press contest na idinaos sa Visayas at tanging ito lang ang daan (Marawi to Cotabato route) na malapit pauwi sa Parang, Maguindanao. Kahit ordinaryong eskuwelahan ito pero mararamdaman mo ang tensyon. Isa din kasi ito sa lugar na laging binobomba ng militar. Nakuha ng atensyon ko ang isang estudyante na may bitbit na baril. At animo'y galit sa akin nang malaman na ako'y anak ng sundalo. Ang mga kaklase niya ang pumigil at nagpatahan sa kanya. Narinig ko sa kanila na "Hindi yan kasali, Inosente yan". Estudyante lang din siya katulad ko pero may ipinaglalaban na siya.
All-Out-War! Matindi ang bakbakan. Ang rutang minsan kong nadaanan ay hindi na ligtas. Nag-aaral na ako sa kolehiyo nang nasugatan ang tatay ko sa isang engkuwentro. At sa semestral break ng klase ay ang uga nang pagsabog ng kanyon ang bumulaga sa bakasyon ko. Marami ang namatay. Ang ilan sa kanila, malapit na kaibigan ng tatay.
Minsan hindi ko maipaliwanag ang giyera sa Maguindanao. May pagkakataon kasi na kahit malapit na ang grupo ng mga rebelde sa kampo ay wala namang bakbakan na naganap. Wika nga nila, "pag walang utos, walang giyera". Hindi ko rin maunawaan kung bakit pa kailangang mag-away gayong puwede naman palang mamuhay nang tahimik at walang gulo.
Ang Terorista at ang Bangsamoro Basic Law.
Marami akong nakasalamuha na mga Muslim. Karapat-dapat naman talaga sa kanila ang pagbabago at kapayapaan. Malamang ang BBL ang maging susi nito. Ganunpaman dahil ito ay isinusulong ng bandidong grupo, para sa akin, ito ay malabong mangyari. Paano ba maitatayo ang bandila ng kapayapaan kung ngayon pa lang ay marami nang dahas ang nagagawa nila? Huwag sanang kalimutan ang mga sibilyan na pinatay sa Lanao del Norte noon at maya't mayang pagsabog ng bomba na sibilyan ang puntirya sa ngayon. Paano na kaya kung ang kanilang lakas militar ay maging lehitimo? Paano na ang mga militar ng gobyerno? Kaya nga iisa lang ang tandang sa aming alagang manok dahil nagsasabong kapag dalawa sila.
Kung mula sa MNLF ay nabuo ang MILF, at dahil sa MILF ay may BIFF, hindi pa ba nadala ang gobyerno na mas lalong lumalaki ang problema? Nanganganak lamang ito. Mas malakas ang MILF kaysa MNLF, at mas tuso ang BIFF kaysa MILF, ano pa kaya ang kayang gawin ng susunod na sangay nito? Ang mga grupo na ito ay may kapasidad na magkanlong ng mga terorista at gumawa ng mga kaguluhan sa iba't ibang parte ng Mindanao.
Sang-ayon ako sa Bangsamoro Basic Law pero ang pakikipagbati sa isang grupo na alam naman natin kung ano ang istilo ng pamamahala at pananaw ay di ko sinasang-ayunan. Ang batas na ito ay dapat para sa mga Muslim na mapayapang naninirahan sa Mindanao at hindi para sa kapakanan ng iisang grupo. Isipin sana na hindi lahat ng muslim sa Mindanao ay kasapi ng MILF.
Sana ay may pangmatagalang solusyon ang gobyerno para dito. Hindi iyong pansamantala lang. Iyong pulido at hindi tapal lang. Dahil kahit sabihing normal na lang ang giyera sa lugar na ito ay napapagod din ang aming mga tenga sa putok at iyakan.
Pagluluksa sa 44 Bayani ng PNP-SAF.
Nakikidalamhati ako sa mga namatay na pulis sa nangyaring sagupaan sa Mamasapano.
Maraming Salamat at Saludo ako sa Inyo! Tunay kayong bayani sa mata ng buong sambayanan. Hangad ko din ang
HUSTISYA sa inyong paglisan.
Para sa amin na may kapamilya at kamag-anak na nasa puwersa ng militar, ramdam namin ang pakiramdam nang mawalan ng mahal sa buhay dahil sa isang operasyong militar. Ganunpaman, ito ay aming napaghandaan dahil sa kanilang sinumpaang tungkulin at pagpapanatili ng kapayapaan. Hindi lamang sa magugulong bayan sa Maguindanao kundi sa buong parte ng Mindanao at ng bansa.