Saturday, December 22, 2012

Doomsday Survivor


Disyembre 21, 2012, napaniwala ka ba na katapusan na ng mundo?

Dahil nga sa may pakialam tayo,hindi natin maiwasan na mangamba sa mga haka-haka at prophesies ng mga masasabi nating dalubhasa na sa ganitong mga pangyayari.

Malamang nacurious ka rin at nagbasa ng mga facts tulad ng mga hulang mangyayari. Bigla mong niresearch ang Mayan tribes at ang kanilang kalendaryo na may malawak na kaalaman sa astronomy.

Hinanap mo rin ang mga articles sa hula ni Nostradamus at ng iba pang nag-uugnay sa katapusan ng mundo. Nalaman mo rin na may isa palang  planeta na tinatawag na Nibiru ang bibisita sa mundo at magdudulot ng "pole shift". Iyong tipong pangarap mong white Christmas ay posibleng mararanasan na ng Pinas.

 May mahigit  4 million clicks ang video na ito. Facts mula sa NASA.

Naging interesado ka rin kung paano haharapin ng mundo ang huling paghukom ayon sa Bibliya, sa libro ng Revelation.

Bigla mo ring naaalala ang pelikulang napanood mo noon tulad ng Armageddon, Deep Impact, The Day after Tomorrow at ang iba pang pelikula na iyong mga bida ang nakakaligtas mula sa pagsabog ng bulkan, lindol, tsunami, bagyo at pagbaha. Naitanong sa sarili, makakaligtas pa kaya ako? Ang pamilya, ang kamag-anak, ang mundo. May matitira pa ba?

 Ang ganda ng langit kanina.

Tapos na ang araw na di ko pinaniwalaan. Umaga na, unang araw sa bagong cycle ng Mayan calendar.

Ang prophecy ay hindi kasinungalingan. Ang mga kalamidad ay simbolo ng katotohanan. Naniniwala akong ito'y magaganap. Kung kailan? Wala pong nakakaalam.

Sunday, December 16, 2012

Aginaldo sa Pasko



Hindi lang ang langit ang mayroong mga bituin at anghel. 
Ang bawat puso ng tao ay may kabutihanng tulad ng anghel at nagniningning katulad ng bituin.

Katulad noong mga nagdaang Pasko at Bagong Taon na nandito ako, magiging normal na araw ulit ang dapat sanay magarbong okasyon ngayong Disyembre. Kung nagawa ng ibang Pinoy na magtipon-tipon noong nakaraang taon, malabo na ito ngayon.

Nagbabala ang embassy sa nakaambang panganib kapag nagtitipon-tipon ang mga Pinoy para ipagdiwang ang mahalagang okasyon. Kasunod ito sa paglabas sa Saudi Gazette ng lathala na ipinagbawal ang paghahanda at pagdiriwang ng New Year o Pasko.


Kakaibang balita talaga ito para sa atin. Alam kasi nila na kapag may parties, di maiiwasan na magtipon ang babae at lalaki kahit di magkamag-anak. Ipinagbabawal ito sa kaharian.

Humigpit ang Saudi? "Oo, dahil rin kasi sa atin. Inaabuso rin kasi natin ang kaunting kalayaan na kanilang ibinibigay. Hindi lang kasi ginagawang simpleng kainan lang. May sayawan at tugtugan pa. Alam naman nila na bawal iyon.", ito ay ayon sa isang Pinoy na aking nakausap. May punto siya.

Kahit walang handaan o selebrasyon. Masaya ako dahil sa maagang pamasko na natanggap ng blog na ito.

Kahit di pinalad ay masaya pa rin.

Maraming Salamat sa PEBA at sa mga organizers sa pagkakataong ibinigay. Ito'y nagbibigay inspirasyon at nagpapatunay na kahit simpleng posts ay may tao ring nagbabasa.
Maraming salamat kay Shirley sa pagkuha ng aking certificate. Sa pagbahagi ng iyong oras.
At sa mga nanalo, congratulations po. At para sa aming talunan (panalo rin naman!), may next year pa.

 Tinaggap ng kaibigang si Shirley ang aking certificate kahapon, Dec. 15, 2012, sa Quezon City, Philippines.

Sunday, December 9, 2012

POEA sa Davao

Pasanin para sa isang OFW ang pagkuha ng OEC (Overseas Employment Certificate) bilang mga balik-manggagawa. Isang araw din kasi ang nabawas sa leave o bakasyon na sana ay para sa pamilya.

Sa POEA-Manila ay karaniwang tanawin na ang siksikan sa pila at kahit maraming counters ay aabutin ka pa rin ng ilang oras bago matapos. Hindi natin masisi ang kabagalan sa mga kawani at empleyado. Mabilis naman silang magtrabaho, kaso marami lang talagang OFW na nakabase sa Manila at sa mga karatig probinsiya na kumukuha ng OEC.

 POEA- Davao City

Sa POEA-Davao, iba ang sitwasyon. Matagal na ang dalawang oras para sa pagproseso kahit box-office ang pila. Ibig sabihin, mabilis ring kumilos ang apat na empleyado ng regional office na ito. Hindi pa kasali sa bilang ang isang Philhealth employee para sa contribution. Sabi ng PhilHealth, "Sir, next year (2013) P2,400 na po ang contribution natin. Hanggang Disyembre 2012 na lang po kasi ang extension nang P1,200 contribution natin." Malumanay na paalala ni Maam. Ilang beses na palang napostponed ang implementation ng additional na contribution sa PhilHealth. "Pero hanggang May pa naman po maeexpire yong contribution mo. Uuwi pa naman kayo di ba?"

Bigla akong napaisip. "E Maam, kung babayaran ko po ngayon ang pangnext year, P1,200 pa rin ba ang babayaran ko?"

"Yes Sir", sagot ni Maam. Hindi na ako nagdalawang isip. Nag-advance payment na ako.


May bagong dagdag na mesa (counter) sa POEA Davao, ang PAG-IBIG. Wala kasi ito noong huling bakasyon ko noong Mayo. Matagal na kasi akong hindi nakahulog at may loan pa. Limang taon ko nang di nabayaran ang P7,000 first loan ko. "Kapag di kayo nakabayad ng loan ninyo for two years, automatic na pong share niyo ang ibabayad doon. Fully paid na yon." Paliwanag ni Maam. Mag-uumpisa na ulit ako sa paghulog. P200 kada buwan ang contribution sa PAG-IBIG.

Hindi ako taga Davao. Tatlong oras pang biyahe ang bayan na tinitirhan ko.
At para sa mga OFW ng Central Mindanao heto ang payo ko:


Isama ang pamilya tuwing kumukuha ng OEC sa Davao. Isipin na lang natin na family outing ito. Habang ikaw ay nakapila sa POEA, iwanan mo muna silang gumala sa SM-Davao. Dalawang oras ka lang namang mawawala.  Dalawang minuto lang na lakaran ang POEA at SM.

Kung talagang malayo ang biyahe at kailangan talagang mag-overnight sa Davao, may hotel namang malapit sa POEA.

Ecoland Suites, 2 minutes walk to SM-Davao Annex, 5 minutes walk to POEA-Davao at affordable rates.

Friday, December 7, 2012

You can help Pablo victims through Sagip Kapamilya


IN-KIND DONATIONS for Typhoon Pablo victims

SAGIP KAPAMILYA
ABS-CBN Foundation Inc.
Mother Ignacia cor. Eugenio Lopez St.
Diliman, Quezon City

You may send rice, canned gods, noodles, biscuits, coffee, sugar, clothes, blankets, mats, medicines

FOR CASH DONATIONS 
1. BDO Peso Account
Account name: ABS-CBN Foundation Inc.-Sagip Kapamilya
Account Number: 39301-14199
Swift Code: BNORPHMM

2. BDO Dollar Account
Account name: ABS-CBN Foundation Inc.-Sagip Kapamilya
Account Number: 39300-81622
Swift Code: BNORPHMM

3. PNB Peso Account
Account name: ABS-CBN Foundation Inc.-Sagip Kapamilya
Account Number: 419-539-5000-13
Swift Code: PNBMPHMM

4. BPI Peso Account
Account name: ABS-CBN Foundation Inc.-Sagip Kapamilya
Account Number: 3051-1127-75
Branch: West Triangle, Quezon City
Swift Code: BOPIPHMM

5. BPI Dollar Account
Account name: ABS-CBN Foundation Inc.-Sagip Kapamilya
Account Number: 3054-0270-35
Branch: West Triangle, Quezon City
Swift Code: BOPIPHMM

Saturday, December 1, 2012

Hintayan sa Pre-departure Area

 NAIA 1 Terminal, Manila

Oras na naman ng pag-alis.
Nakaupo sa pre-departure area ng airport.
Hinihintay ang pagbukas ng Boarding Gate ng eroplano na sasakyan pabalik sa Gitnang Silangan.

Si Kuya. Ang masayahing naghihintay. Humahalakhak habang may kausap sa cellphone.
Nakasaksak sa tenga ang headseat at banaag na masaya ang kuwentuhan nila.
Malakas tumawa ngunit mahina ang boses para hindi makadistorbo sa iba.
Masaya siyang aalis.

Si Ate, tahimik na nakaupo.
Pinagmamasdan ang bughaw na kalangitan na masisilip sa bintana. 
Malayo ang iniisip. May bahid ng kalungkutan.
Biglang kinuha ang cellphone, may tumatawag. Saglit na nag-usap.
“Ingat”, ang katagang huli kong narinig. Sabay pahid sa butil ng luha na dumaloy sa pisngi. 
Tumatagas mula sa kanyang salamin ang marami pang luha.
Emosyonal ang paghihintay.

Si Manong, ang nagmamay-ari ng limang upuan sa bahaging likuran.
Ang bag na dala ang nagsilbing unan ng kanyang panaginip.
Mahimbing na natutulog. Marahil dahil sa pagod at haba ng biyahe galing probinsiya.
O baka dinadaan na lang sa tulog ang sakit ng kalooban ng paglisan.
Minsan antok ang tanging sandalan kapag ang puso ay pagod na sa iyakan at kalungkutan.

Hintayan….Pre-departure Area....
Dito nagsisimula ang sakit na homesick. 
Ilang saglit na lang ay lilisanin at iiwan na naman ang pamilya at ang bansa.
Dito nagsisimula ang pagtagpi sa simple o matayog na pangarap ng karamihang OFW.
Dito binubuo ang mga susunod kong plano.
Dito rin ako nag-uumpisang magbilang ng araw at buwan ng aking susunod na bakasyon.

Aalis ako ngayon, pero ilang buwan na lang bakasyon na ulit.
Excited ako!
Hindi sa aking pag-alis, kundi sa muli kong pagbabalik. Makikita ko ulit ang mga mahal ko.

Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon!

Thursday, November 15, 2012

PEBA, Panalo!

A kinse na pala! End of submission na ng mga blog entries na lalahok sa PEBA blogawards.
“Blogger ka pala?” Ang sagot ko, hindi naman… 

Nagsusulat ako pero di ko masabing ito’y kinahiligan ko. 
Nagsusulat lang ako sa panahong may gustong gawin o may bagong ideya. Kapag nakaengwentro ng problema at nakaisip ng solusyon. Kapag may inspirasyon o may napupusoang paksa. Kapag may mga salitang gustong sabihin ngunit di kayang bitawan. Hindi ko man ito maibigkas, tiyak ito’y aking maisulat.

Sa unang pagkakataon, sumubok ang blog na ito na sumali sa isang patimpalak. (Pipilitin pa rin nitong sumali sa susunod na taon). May mga dahilan kung bakit. Una, gusto ko ring ibahagi ng aking mga karanasan. Sinasabi na ang ating sariling karanasan ang humuhubog sa ating pagkatao. At ang magandang karananasan na iyon ay walang silbi kung ito’y ating sinasarili. 

Pangalawa, maging visible ang site na ito. Dati, tanging ako lang ang nagbabasa at may mangilan-ngilan ding napadaan. Katulad ng expressway, walang hassle at walang traffic. Hindi naman kasi ito ganoon kainteresado. Meron kasi akong sinusunod na blog content kaya ito lang ang pwede kong maipost. Ganunpaman, may ipinagbago na ngayon. Biglang dumami ang bisita sa site. Halos dalawang libong clicks ang nadagdag sa counter. Malamang may nagtatanong. Paano nakasali ang blog na ito? Nakakatuwa! Para na akong nanalo!

At higit sa lahat, gusto kong magkaroon ng badge na katulad nito.


Kahit di manalo, basta ako ang nakahawak ng numero uno!

Maraming salamat po sa pagkakataon. 
At sa lahat ng organizers at mga kalahok, mabuhay po kayo!
At sa mga mananalo, congratulations!

Thursday, November 8, 2012

Pagsabog sa Saudi

Isang linggo ang nakalipas, pagkatapos nang aksidenteng nangyari sa Riyadh. Hindi lang kasama sa usap-usapan ng mga kapwa Pilipino kundi kahit ng ibang mga lahi ang mga pangyayari. Nakakagimbal at nakakalungkot dahil marami ang mga nasugatan at namatay. Nagsipagsulputan rin ang mga larawang kuha ng mga nakipanood at inilagay sa internet. Ang mga larawan sa ibaba ay galing sa www.alriyadh.com.





Matindi ang naging pinsala.


Nakuhanan pa ang actual na pagresponde sa isang OFW. Nakilatis na isang Pinoy dahil sa kanyang suot na basketball short.

Sino ba ang dapat sisihin?

Higit kanino man, mali ang mambintang lalo na't aksidente ang kinasasangkutan. Huwag nating ipataw ang pangyayari sa trailer driver na napag-alamang OFW rin. Sa bilis ng mga pangyayari ay malaking pasasalamat na siya ay ligtas. Ang trabaho ng isang trailer driver ay di lang umiikot sa manobela at pagpapatakbo ng mga nagsisilakihang sasakyan. Alam din nila kung ano ang kargamento at ang epekto nito sa tuwing ito'y nasira, tumagas o nacontaminate. Ang ganitong pangyayari ay di niya kontrolado.

Medyo bumaba ang tiwala ng ibang lahi sa ating mga Pinoy dahil sa pangyayari. Ganunpaman, ito po ay aksidente at walang may gustong mangyari. Hindi lang naman lahi nila ang namatayan, may Pinoy rin.

Karamihan sa mga OFW sa Saudi ay makikita mo sa constructions at mga front liners ng mga chemicals, petrochemicals, oil and gas plants, at refineries na laging nakakahawak ng mga delikado at nakakatakot na mga chemicals. 
Kaya sa lahat ng mga Kababayan, Doble Ingat po tayo!

Friday, November 2, 2012

Araw ng Paggunita


Huwag po kayong magtatampo,
Mga mahal namin na nasa himlayan.
Kahit kami'y nasa malayo at hindi nakakabisita sa inyong puntod,
Naalala pa rin namin kayo. Nandito kayo lagi sa aming mga puso!

Saturday, October 20, 2012

Exit Saudi via Causeway to Bahrain

Minsan kapag nagtitipid o namimili ng murang flight tuwing bakasyon, nasusunggaban ang biyahe na ito lalo na kapag personal ang pamasahe. Mas mura ang presyo ng airline tickets kapag Bahrain ang airport of origin. Ang flight ticket na nabili ay Dammam-Bahrain-Manila minsan via Qatar, Kuwait, Abu Dhabi, Hongkong, etc. Maraming stop-over, matagal ang biyahe ngunit mas mura. Lahat ng flights ay by plane ngunit ang Dammam to Bahrain ay by SABTCO.

May dalawang SABTCO (Saudi-Bahraini Transport Company) station sa Al-Khobar.  Kapag Gulf Air at Qatar Airways ang eroplano, ang station ay malapit sa Carlton Hotel. Kapag Kuwait Airways naman, doon sa main station.

Kailangang dumaan sa King Fahad Causeway papuntang Bahrain na tatagal nang mahigit isang oras depende pa iyan sa bilis ng transaction sa immigration office.

King Fahad Causeway from Al-Khobar, Saudi Arabia

Kadalasang flight galing ng Bahrain papuntang Pinas ay sa gabi, kaya tanghali pa lang ay kailangan nang maghanda. Alas dos pa lang ng hapon ay dapat nasa Al-Khobar na. Mas maaga, mas mainam dahil kampante na hindi maiiwanan ng biyahe.

Pagdating sa Station, may airline staff na kukuha ng passport at flight ticket. Titimbangin ang bag at balikbayan box. Para na ring nag-check in sa eroplano. Pagkatapos matimbang ang bag, papasok na sa waiting area para maghintay. Tatawagin at ibabalik ang passport. Ibibigay ang boarding pass para sa biyahe na iyon. Sinasabihan din ang bawat pasahero na ang boarding pass ng proceeding flight ay sa check-in counter ng Bahrain na makukuha. Kapag kumpleto na ang pasahero para sa isang mini bus. (Kahit sampung pasahero ay umaalis na). Tatawagin na para sumakay habang ang mga bagahe ay ilalagay sa trailer van na hihilahin din ng bus. Kanya kanya ng puwesto ang kada pasahero at iaabot na ng airline staff ang merienda pack. Kumakain habang binabagtas ang mahabang tulay ng King Fahad Causeway. Sa kalagitnaan ng tulay matatagpuan ang Saudi-Bahrain immigration.

SABTCO bus with baggage trailer in Saudi- Bahrain Border

Pagdating sa Saudi immigration, bababa ang lahat para sa exit stamp ng passport. Tapos sasakay ulit nang ilang minuto at bababa saglit para sa baggage inspection. Pagkatapos sasakay ulit at bababa para sa transit visa sa Bahrain immigration. Madali lang ang pagpasok sa Bahrain lalo na kapag papuntang airport. Alam naman kasi ng immigration officer na may hinahabol na flight ang mga nakasakay sa bus.

Pagdating ng Bahrain Airport, parang back door ang papasukan. Hindi sa mismong main door ng airport. Kukunin ng bawat pasahero ang kanilang bagahe sa trailer at papasok sa airport.

Hanapin na kaagad ang check in station ng next flight. Meron namang airline ground staff na nag-aasist.

____________________________________________________

Pwede ring bisitahin ang King Fahad Causeway mula Al-Khobar by private car, ang mahabang tulay na nagdudugtong sa bansang Saudi Arabia at Bahrain. May 20 riyals na toll fee ang babayaran bago umpisahan ang paglalakbay sa magarang tulay na ito hanggang sa isla sa kalagitnaan ng dagat kung saan nakatayo ang immigration buildings ng parehong bansa.

 Magandang gawing back view, di ba?
 King Fahad Causeway

Thursday, October 11, 2012

Paninirahan sa Saudi: Pamilyang OFW, nagtitipid

Mga bagay na pinaghahandaan ng isang OFW kapag kumpirmado na ang pagpunta dito sa Saudi ng pamilya. Mga gawain ng ating mga kababayan na masasabi kong praktikal at sukdulan sa katipiran. Laging mas matimbang ang salitang MAAYOS at MURA kaysa MAGARA at MAMAHALIN. Mahalaga ang bawat denomination ng pera. Ang sabi nga nila, ang Saudi Arabia ang pinakamahirap na bansa para sa mga mangagawa tulad ng OFW kaya isinantabi muna ang mga bagay na di naman karapat-dapat gastusan.

"Ang paninirahan sa Saudi ay di naman pangmatagalan bakit ka pa gagastos ng malaki?"

Saudi Family Flats
House Rental.
Hindi pwedeng makikituloy sa bachelor flat ang isang pamilya. Kailangan nang maghanap ng isang family flat. Mapapansin na ang ang isang family flat ay mas mura kapag ikinumpara sa bachelor dahil mag-isa nang bubunuin ang bayaran. Ganunpaman, uso pa rin dito ang "flat sharing", kung saan dalawang pamilya ang nakatira sa isang flat. Ito ay para mahati at di mabigat sa isang OFW ang pagbayad ng yearly house rental.
May house rental agreement ang mga real estate dito na nakakontrata para sa buong isang taon. Kailangang malinaw sa bawat partido ang mga rules and regulations. Kung kailan ang:
bayaran....monthly, quarterly o di kaya full ba?
magkano... kabuuan.... downpayment..
tubig at kuryente.. kasama na ba sa rental price?

Marami pa ang mga katanungan kapag personal nang kausap ang real estate.

TIPS: Kapag second user ka ng isang family flat, siguraduhin lang na nailipat sa iyong pangalan ang rental agreement kung sakaling aalis o mag-exit ang original user. Ito ay para maiwasan ang problema kapag may pangyayaring di inaasahan sa inyong building dahil legal ang iyong pagtira.

Internet Connection
Madaling mabored ang pamilya kapag walang internet. Ito lang ang nagpapalipas ng kanilang oras dahil limitado ang kanilang paglabas. Tanging STC lang ang internet provider na laging napupuntahan dahil may kasamang landline. Medyo madali lang ang pag-apply, iyon nga lang maghintay pa ng ilang araw kung kailan nila gawin ang installation. Kung on time ang pagfollow up, malamang makukuha ito ng isang araw.
Meron din namang prepaid internet modem na inooffer ang ibang communication provider bilang ibang option. Iyon nga lang limitado ang internet surfing base sa load na inikarga.

TIPS: May iba ring family flat na pumapayag ng internet sharing. Hati sa monthly subscription fee. Mas maraming user, maraming maghahati, mas maliit ang babayaran.

Cable Subscription
 May TFC at Orbit (Pinoy TV). Pumili ka na lang sa dalawa. Kanya-kanya naman kasi tayo nang hilig kapag palabas na sa telebisyon. Kung kaya naman ng budget, pinagsasabay na ang dalawang cable subscriber. Hindi kasi nababayaran ang kaligayan kapag mga paborito mong artista at pangyayari sa Pinas ang nakikita mo sa telebisyon.

TIPS: Minsan may promo lalo na kapag advance kang magbayad ng 2 to 6 months.

Appliances
Hindi praktical ang bumili ng bago at mamahaling muwebles o appliances dito sa Saudi. Meron namang mga second hand na mga gamit tulad ng  sala set, dining set, computer set, at bedroom set. Ang kakayahang pumili ng mga kasangkapan na maganda at maayos kahit luma na ang abilidad na ipinagmamalaki ng isang Pinoy. .

Family Auto
Aasahan na dapat meron sariling sasakyan ang mga pamilyado. Mahirap ang transportation dahil limitado ang mga public vehicles. Mura lang naman ang gasolina kaya medyo marami na ring Pinoy ang nahihikayat na magmaneho. Sa dami ng Car rentals at CAR Show Rooms, maraming pagpipilian. Subalit pinipili pa rin ng mga Pinoy ang second hand na mga kotse. Mas mura!
Ganunpaman, marami pa rin sa ating mga kababayang pamilyado ang piniling maglakad. Libre na, nakaiwas pa sa obligasyon ng masalimuot na traffic rules at violations ng lugar.

Monday, October 8, 2012

Abroad Love Story


A playmate since childhood whose grown up and separated during high school. A friend and text mate on college, experienced that courting a friend seems like a curse.What is the problem of courting a girl through text? Besides, he's in other part of the world and she's in Philippines. But YES, they did it! Since, he loved her from the start.

"Can you wait for me?" "If you ask me to, then I will!"
A lover's conversation, a pledge.

Miles away separated them. After three years as OFW, they fulfilled their promises and tightened their bonds on wedding. A couple proved that long distance is not a hindrance to a successful relationship. Oceans, islands, and mountains are showing only physical distance but emotions, feelings and spirit of true love are still intact and inseparable.


(This is my entry to "Love as I see it".
A project of www.islandrose.net flowers Philippines)

Friday, September 28, 2012

Nangarap maging OFW


Sa probinsiya.
Nakapag-apply ng trabaho sa abroad. Pumasa.
Inasikaso ang papeles at kaukulang dokumento.
Kinondisyon ang sarili para sa nalalapit na pag-alis.
Nag-impake.
Nagpaalam sa pamilya.


Sa Manila.
Ipinasa ang mga dokumento.
Sigurado na ang pag-alis dahil may visa nang nakalaan.
Nagpamedikal. Pumalya.
Humingi ng pangalawang opinyong medikal.
Positibo. Sablay nga!
Ang walang hiyang sakit. Di mo inaasahan. Di mo matanggap.


Kapalaran na maging isang OFW minsan nakakawalang gana.
Nandoon ka na! Kaunti na lang sana.
Nakakalungkot. Nakakaiyak.


Ganun talaga ang pangarap.
Parang ulap sa alapaap.
Nahahawi ngunit paunti-unti at mabagal.
Natutupad pero may mga pagsubok. Kailangan labanan. Kailangang mapagtagumpayan.
Kailangang maghintay. May tamang pagkakataon.


Patuloy lang tayong mangarap kaibigan.
Ang pagiging isang OFW ay sadyang ganyan!
Maging matibay sa bawat hamon ng masalimuot na buhay at unos ng masamang pagkakataon.
Marami pang magandang oportunidad ang sa iyo ay nakalaan.
Mga pagsubok ay siguradong malalampasan.

(Bird's eye view near Manila)

Saturday, September 22, 2012

Plastic Free Mind

IMAGINING PLASTIC. Mula sa latak ng mga Oil Refineries nanggaling ang mga monomer o hydrocarbons. Sa halip na itapon, sinasalo ito ng mga Petrochemical Industries (kung saan tayo nagtatrabaho) para maging polymer resins at mapakinabangan. Ang polymer resins ang raw materials ng Plastic Industries na gumagawa ng mga bagay na makulay, magaan, at mas komportable. Pangmatagalan o pansamantala man.

Sunod-sunod ang mandatory plastic ban sa mga main cities sa Pinas. Hindi ko mawari kung ito'y totohanan na talaga o pansamantala lang. "Tama ito" ayon sa mga Environmentalists na nagmamalasakit sa kalikasan ngunit "di ito ang solusyon" ayon naman sa mga Engineers na nagtratrabaho sa mga plastic industries.

Buhat noong bumaha kasama ang basura sa kamaynilaan, marami na ang sumusunod sa panawagan na bawasan ang paggamit ng plastic bags. Para sa mas malinis na kapaligiran, pag-iwas sa pagbaha, at pangangalaga sa Inang Kalikasan. 

"PLASTIC FREE", parang may mali yata sa ganitong tarpaulin printing sa mga malls at nakikita ko sa TV. Hindi ibig sabihin na kapag walang plastic grocery bags ay wala nang plastic. Ang film ay isa lamang application ng plastic kung saan ginagawa itong manipis at transparent katulad ng liners at grocery bags.

May iba't ibang klase ng plastic depende ito sa kanilang origin component o tinatawag na "monomer". Ang resin plastic code ay para sana mapabilis ang seggregation ng plastic. Ito ay makikita sa ibabang bahagi ng bawat bote. Lahat sila maliban sa polystyrene(PS) ay may film applications kung saan maaring gawing plastic bags. (Inilista ko na para di ko makalimutan at sana makatulong dagdag sa kaalaman! Ito ay base sa mga nakikita kong plastic made materials sa loob ng bahay.)

 PET o PETE (Polyethylene Terephthalate) ay madalas ginagamit sa mga naiinom nating bote ng tubig o juices, lagayan ng mga candies sa tindahan, garapon at mga cosmetics bottles (baby oil, gel, facial cleanser).
Medyo malambot at clear ang mga lagayan na tipong alam na natin ang kulay, hugis, at dami ng laman kahit tinititigan lang.


HDPE (High Density Polyethylene) ay madalas lagayan ng mga cosmetic products (lotion, powder), rekados sa kusina (asin, paminta, toyo, suka) at bote ng mga gamot at shampoo.
Makapal at may katigasan ang mga bote. Kadalasan na pigmented o may kulay ang plastic na ito.


PVC (Polyvinyl Chloride) ay madalas ginagamit sa blister packs ng mga gamot, blood bags, floor tiles, shower curtains, at electrical insulation. Kapag sinasabing PVC, water pipes na kaagad ang iniisip natin.




LDPE (Low Density Polyethylene)  ay kadalasang film kaya makikita mo ito bilang bags at malalambot tulad ng mga squeezable bottles (ilang brand ng shampoos). Ito rin yong packaging ng mga tinapay, frozen meats at ginagamit na pantakip sa mga ulam.
Malambot ngunit matibay kaya nakakagawa ito nang pangmatagalan at matibay na packaging bags.



PP (Polypropylene) ay gamit na gamit sa pagsasaka dahil sa sako. Ginagawa din itong mga baunan at plato. Madalas din lagyan ng mga beauty products (deodorant, lotions)
Matibay at matigas.




PS (Polystyrene) ay madalas suki ng mga food chain. Lagayan ng mga take out! Damay pa ang plastic na kutsara, tinidor at baso na lagi nating ginagamit sa mga parties.
Madalas madaling mapudpod o madaling punitin ang plastic na ito. Minsan rigid din o matibay ang pagkagawa.




OTHER, PC (Polycarbonate), baby milk bottles at mga sachets ng shampoo at toothpaste.Iyong 5 gallons na bote ng tubig ay gawa din nito.
Ang material nito ay binubuo ng higit sa 2 combination ng mga materials (1 to 6).




Ang PET (1), HDPE (2), PVC (3), at PP (5) ay halos di nagkakalayo sa mga gamit at applications. Iyong mga kagamitan na pangmatagalan tulad ng mga malalaking containers, tubo ng tubig, at mga plastic materials na makikita sa ating bahay, kotse, laruan ng mga bata, at mga kasangkapan.

Ang application ng bawat plastic ay depende rin sa availability ng plastic resin sa lugar at sa paggagamitan o demand ng mga kustomer. Halimbawa, sa bote ng gamot, minsan ang bote ay yari sa HDPE o minsan PP.

Masyadong malawak at versatile ang gamit ng plastik sa ngayon. At kapag dumating ang araw na required ang bayong sa pamamalengke. Itong mga Plastic Industries, gagawa din sila ng mukhang bayong pero mas matibay pa sa bayong dahil hindi naluluma.

Kakaunti lang sa Pinas ang plantang gumagawa ng "polymer resin", ang main materials sa paggawa ng plastic, kung ikumpara dito sa Middle East. Ibig sabihin kakaunti lang din sana ang iniexpect nating basura. Iyon ay kung mayroon tayong tamang seggragation, pagtatapon, at pagrerecycle ng ating  plastic na basura.

Sunday, September 16, 2012

An OFW, a Blogger

Malungkot ang malayo sa pamilya..
Ganunpaman, di ako nag-iisa.
Nandiyan ang kapamilya,kaibigan, at lahat ng kakilala.
Nakikinig, nakikitawa, nagbabasa.

Sa ngayon, kasama ko na ang mahal na asawa,
At binubuo sa Saudi ang masayang pamilya.
Nandiyan pa rin ang kapamilya, kaibigan , at kakilala.
Nagkukwentuhan, naghahalakhakan, nagsasaya.

Social Media, paano na ang OFW kung wala ka!


(Ang video ay entry ko sa taunang patimpalak, PEBA 2012 PINOY EXPATS/OFW Blog Awards)
Mabuhay po kayo PEBA!





Sunday, September 9, 2012

Status Updated

Payak. Mahirap. Simple.
Bata pa lang, mahilig na akong magPOST at magSHOUT OUT parang sa FACEBOOK. Mula sa isang patpat na napulot sa sangang tuyo at sa bakurang malawak, nakakasulat at nakakagawa na ako ng maraming nakakatuwang bagay. Sa lupa, nakakapagdrawing ako ng anyo ng bundok, bahay kubo at bukirin. Siyempre laging present sa eksena ang haring araw. Nakakasolve rin ako ng assignment sa math na walang scratch at madali lang burahin kapag nalilito. Nakakasulat ako ng mga malalaking letra na minsan kinakalaban na ng mga langgam dahil nadadamay ang colony nila. Nailalako ko na ang sarili ko bilang isang doktor, engineer o abogado. Ang tayog mangarap noong kabataan. Kung alam ko lang na di masama ang mangarap sa panahong iyon ay isinagad ko na sa presidente o di kaya maging isang bilyonaryo man lang. Malabo kasi ang pangarap kung nakikita mong may naghihirap.
Mula sa maputik naming bakuran, kasama ang mga kapatid, mas pinalawak pa namin ang aming masterpiece na "charcoal painting". Nakabalandra ang mga nais naming sabihin at naglalakihan ang mga hugis na hayop at anyo ng tao na parang mga EMOTICONS. Pinahaba at pinabold ang mga titik doon sa aming dingding. Iyon nga lang, hindi na LIKE ni Ermat at walang maririning na good COMMENTS mula sa kanya. Bagkus, kurot sa singit, pingot sa tenga at may pangaral pang kasama ang sukli sa aming mga batang kaisipan.

Laban. Pangarap. Katuparan.
Minsan, naiisip ko na ang buhay ay di nagkakalayo sa larong RUNESCAPE at FIESTA. Ang kasaganaan sa buhay na inaasam ay makakamit lamang kapag ako ay nagLEVEL-UP. Hindi maaring panghabambuhay ay NOVICE lang. Kailangan ko ring mangarap bilang isang TRIUMPHANT WARRIOR. Alam ko naman na ang buhay ay isang paglalakbay. May bako bako , masalimuot, at paliko likong daan na tatahakin. Ang lugar na aking minahal at kinagisnan ay kailanganing lisanin para sa ikakabuti ko. Dahil alam ko na may maraming pagkakataon at magagandang bagay na dapat kong matutunan sa ibang lugar. Ang pagiging matalino ay hindi nasusukat sa dami ng ribbons o medals na naiuwi mula sa eskuwelahan. Ang katalinuhan ay nasusukat kung paano makakasurvive ang isang indibidwal sa lipunan na kanyang ginagalawan. Ang pagiging matapang sa pagharap sa mga problema at paghanap ng paraan para ito solusyunan. Kailangan lumaban. Kailangang maging matatag.
Sa paglalakbay ay di nawawala ang kabiguan. Normal lamang ito dahil nga isa tayong HERO. Ganunpaman, ang kabiguan ay hindi maaring matatapos sa isang iglap na kamatayan. Laging may pagkakataon at may pag-asa. Kapag nadapa ay kailangang bumangon at magpatuloy muli. Kung nagkamali ay kailangang balikan at iwasto. Kapag natalo ay may next round pa. At katulad nga sa kasabihang, "ni walang taong makakatayo nang mag-isa," kailangan natin ng kaibigan, kadamay, at kahati sa mga problema. Nasa likod lang natin ang ating kapamilya at kaibigan na handang sumuporta sa bawat laban sa buhay. Mayroon din ibang tao na kahit di kaano ano ay handang tumulong at nagpoprotekta.

Kasiyahan. Kayamanan. Tagumpay
Bilang isang OFW batid ko na mahirap ang mag-isa. Iyong wala akong mahagilap at mapagbalingan ng  emosyon. May mga gabing, luha ang kasama sa pag-iisa. At tanging sa BLOG COMMUNITY ako makakahanap ng mga taong makikisabay at nakakaunawa sa kabaliwan ko. Nagbibigay ng payo at gabay hanggang sa maiisip ko na di ako nag-iisa sa mundo. Na may nakikinig sa aking mga hinanakit, dalamhati at pighati. Na kahit alam kong ako ang mali ay may mga tao pa ring kumakampi. Na sa bawat sulok ng mundo at may nakatadhanang mga tao na magiging kaibigan ko. At kahit sabihin na kasama ko na ang sarili kong pamilya sa paninirahan sa ibang bansa, ay patuloy pa ring binubuklod at binabalikan ang sariling bayang kinagisnan. At ang kapamilya at mga naiwanang kaibigan na kahit di mahawakan ay nakakausap at nagtatawanan.
Ang pamilya, kaibigan, kanayon, kabayan, at ang SOCIAL MEDIA ang bumubuhay sa aming malulungkot na mga araw sa Gitnang Silangan. Laging ONLINE, laging UPDATED! Darating ang panahon na wala nang nangangarap, lumalaban, at nalulungkot nang nag-iisa.
                           

Friday, August 31, 2012

Ang Wikang Naglalakbay

"Sa pagsapit ng bagong milenyo, isang importanteng problema ang haharapin ng mga Pilipino. Ito ay ang unti-unting pagkawala ng ating pambansang wika, ang wikang Filipino."
Ito ang aking pambungad sa isinagawang patimpalak sa pagsusulat ng editoryal, sa National School Press Conference (NSPC), noong taong 2000. Hindi ko inasahan na nagustuhan ng mga hurado ang aking maikling katha at nasungkit ng aking rehiyon ang kauna-unahang "1st Prize." Naungusan nito ang mahigit isang daang kalahok mula sa iba't ibang paaralan ng bansa.

Sinimulan ni Pilosopong Tasyo ang pagbanggit ng nanganganib nating wika at nabanggit ko rin ito sa isang patimpalak mahigit isang dekada na ang nakaraan. Naalala ko dati, tuwing buwan ng Agosto sa paaralang elementarya na pinaggalingan ko ay may multa na singkuwenta sentimos ang hindi paggamit ng wikang Filipino sa pakikipag-usap. Ang kinagisnan kong lengguwahe ay saglit na isinasantabi dahil pinahahalagahan ang pambansang wika. Ewan ko lang kong ipinagpatuloy pa rin nila ito ngayon.
Nakapasok na tayo sa bagong milenyo at malayo na rin ang nalakbay ng ating wika. Hindi lang lugar at tao ang binago ng panahon at kaunlaran. Kung dati Ingles lang ang mahigpit na kalaban ng ating wikang Filipino, ngayon ay masasabi kong kakumpetensya niya na rin ang "Taglish". Kaya napapansin na kadalasan ay di na tayo makapagsalita ng diretsong Filipino. Nahahaluan na ito ng ibang lengguwahe. Nasasanay na tayo sa ganito dahil naiintindihan ng karamihan.
Marami na talagang ipinagbago. Kahit sa pagsusulat ko ay inaamin kong may nagbago. Ang ating wikang sariling atin ay minsan di mahagilap sa paliparan, terminal ng tren, paaralan, istasyon ng radyo at telebisyon, opisina, simbahan, palasyo, Korte Suprema, galahan at kahit sa kalye.
Naniniwala ako na ang pagtaas ng presyo ng krudo, mahal na bilihin, talamak na kurapsyon, matinding kahirapan, paglobo ng populasyon, at pagdami ng basura ay nahahanapan ng solusyon. Subalit ang naghihikahos nating wika na unti-unting namamatay ay mahirap hanapan ng lunas.

Wednesday, August 1, 2012

OFW, Bagong Bayani nga Ba?

Maglilimang taon na ako dito sa Saudi. At para yatang mapabilang ako sa mga OFW na di malaman kung saan napunta ang perang pinagtrabahuan. Wala pa rin akong ipon! Di naman ako magastos at maluho. Ang lahat ng gusto kong bagay o lugar na pupuntahan ay pinag-iipunan. Isa rin ako sa mga taong pinalaki sa utang ng mga magulang pero di nakasanayan ang mangutang. Ayokong mangutang! Sapat naman ang kinikita ko dito. Mayaman na sana ako kung sarili ko lang ang pinapalamon ko.

Maglilimang taon na. Marami na rin akong natulungan. Naipagawa ng malaki at matibay na bagong bahay ang mga magulang at nabigyan ng panghanapbuhay ang may asawa ng mga kapatid. Iyon nga lang, di ko naman hawak ang paglago ng kanilang kabuhayan. Lagi ko ngang binabanggit sa kanila na hanggang sa puhunan lang ako. Ang diskarte sa kanilang pag-asenso ay hawak din nila. Hindi maitatago na umangat ang pamumuhay ng pamilya simula noong nasa Saudi ako.

Maglilimang taon na. Wala akong hinahangad kundi maging mapanatiling malusog ang lahat. Iniisip ko nga, ayos lang sa akin kahit walang ipon kung ang kapalit nito ay panghabambuhay na magandang kalusugan ng mag-anak ko. Aanhin ko naman ang malaking ipon kung palagi namang may nagkakasakit sa pamilya. Masaya na ako sa tablado kapag kalusugan ang kalaban.

Maglilimang taon na. Ang maayos na kasal (walang utang) at munting bahay kubo pa lang ang masasabing naipundar ko. Wala pa sa kalagitnaan ang mga sinusuportahan kong kapatid na nag-aaral. Magbibilang pa ako ng maraming taon para makapagtapos sila at masasabing tagumpay ang pinuhunan ko. Tuloy pa rin ang buwanang sustento sa pamilya. Parte kasi iyon ng di maiwanan kong obligasyon bilang anak. Ang pagbibigay ng sukli sa pagpapalaki ng mga magulang. Ako'y naging sandigan lalo na sa problemang pinansyal. Talagang ganoon yata ang papel ko.

Maglilimang taon na. Tuloy tuloy pa rin ang trabaho ko dito. Di ko naman masasabing kayod kalabaw o kayod marino ang trabahong napasukan ko. Nakakapagod pero ganoon talaga ang trabaho, kailangang pagpawisan. Bata pa ako para tumigil at magpahinga. Marami pa akong gustong gawin at lugar na pupuntahan. Magagawa ko lamang iyon kapag dito ako, malayo sa pamilya.

Sa nakaraang SONA ng pangulong Aquino, napangiti ako na kahit paano may kaunting ipinagbago ang bansang kinamulatan ko. Kahit kapalit nito ang lumiliit na palitan ng ipinapadala kong pera sa pamilya. Walang problema sa akin kung di man nabanggit ang mga OFW sa kanyang talumpati. Ang mahalaga, ginagawa ko ng maayos ang trabaho para mabuhay ko ang sarili at ang lumalaki kong pamilya. Kung nadampian man ng tulong ang ekonomiya mula sa kakapiranggot kong padala ay isa yan sa napakagandang balita. Hindi lang pamilya ang natulungan ko kundi pati na rin ang bansa kahit sa konting pamamaraan.

Maituturing na nga akong bayani ng pamilya ko. At ang bayani, sa pagkakaalam ko, gumagawa ng mga bagay na walang hinahangad na kapalit. Di naghihintay ng papuri!

Saturday, July 28, 2012

Apat na Mahahalagang Bagay

May mga aasikasuhing importanteng bagay pagdating dito sa Saudi kung kasama ang pamilya sa unang pagkakataon.

Abaya

KASUOTAN. Ang babaeng expat dito sa Saudi ay di naman nirequire na magsuot ng abaya. Ngunit bilang paggalang sa tradisyon at konserbatibong kinaugalian ng mga lokal dito, kailangan magsuot ng abaya ang isang babae kapag lumabas. Abaya ang tawag sa kulay itim at maluwag na damit na isinusuot ng mga babae na nagtatago ng hubog ng kanilang katawan. Hindi pwede ang abayang "body fit". 
Ang niqab naman o yong pangtakip sa mukha ay di na kailangan ngunit may mga nakausap akong ibang Pinay na nagsusuot din. Akala ko Saudi pero nagsasalita ng "Kabayan". 

HEALTH INSURANCE. Napakamahal ng ospital bill dito kapag walang medical insurance kaya ito ang dapat unahing kunin. Kapag ang isang OFW ay family status, kasama na rin ang pamilya bilang beneficiaries nito. Kailangan lang ipadagdag ang family beneficiaries sa Heath Insurance Company ng kumpanya para mabigyan ng personalized medical cards. Hihilingin nila ang passport copies at passport pages na may entry visa para maidagdag ang miyembro ng pamilya. Isang araw lang ay ibibigay na nila ang cards.

MEDICAL TEST. Sa mga pamilyang "permanent visa" ang inaplayan, kailangan kumuha ng hospital referral slip mula sa Human Resource department o sa Company Clinic ng kumpanya. Sila ang pipili ng ospital para sa pangalawang medikal exam. Kakailanganin ng ospital ang referral slip, passport copies at passport pages na may entry visa. Ang medikal test sa kaharian ay requirement para sa pagkuha ng community card o iqama.
Ang resulta ay ihahatid ng hospital representative sa kumpanya pagkatapos ng limang araw.
Para naman sa pamilyang nasa "tourist visa", di na kailangan ang medikal.


IQAMA. Kakailanganin ang mga passports ng pamilya, application forms, 10 pirasong iqama sized pictures, at medical exam results. Ang application form ay nakasulat sa Arabic kaya di maintindihan. Ganunpaman, ang Government Relation department ng kumpanya ang magsusulat ng mga kakailanganing impormasyon. Pirma lang at passport numbers ang hinihiling nilang punan.
Ang proseso ng iqama ay aabutin ng dalawang linggo hanggang isang buwan.

Friday, July 20, 2012

Thursday, July 5, 2012

Sagad sa Tag-Init

Matindi ang init sa labas. Ramdam na ramdam iyan ng ating mga katawan. Laging mataas sa 40 degrees ang temperatura sa karamihan ng working sites ng Saudi. Mga Kabayan ito'y payong kaibigan!


Maging SANGGOL. Palaging magbaon at uminom ng tubig kahit di nauuhaw.

Maging TAMBAY. Huwag dire-diretso ang trabaho.Magpahinga sa lilim paminsan-minsan lalo na kapag nasa labas ang trabaho.

Maging MODELO. Iwasan ang pagtrabaho sa lugar na direkta sa araw lalo na kapag tanghali.

Maging RAPPER. Magsuot ng mga maluluwag at magagaan na damit. Palaging magpalit ng tuyo at malinis na damit.

Maging BIBE. Maligo araw-araw.

Tuesday, July 3, 2012

Pamilya Papuntang Saudi

Nabanggit ko na sa blog na ito (Family Visa sa Saudi) ang mga kakailanganing hakbang at dokumento sa pagdala ng pamilya sa Saudi. Kailangan din ang tiyaga, panahon, at pera dahil talagang may katagalan ang pagproproseso.
Ang medikal na kailanganing gawin sa Manila. Mayroon din namang mga accredited clinics sa Davao at Cebu kaso mas mabilis ang proseso kapag nasa Maynila. Dagdag pa dito na kapag may problema sa mga resulta ay madaling mapupuntahan ng tauhan ng agency. Ang resulta ng medikal ay ipapasa ng clinic sa agency pagkatapos ng tatlong araw. Samantalang ang proseso ng visa  ay tatlong araw din kung walang problema sa system. Kadalasan nakukuha ang passport with visa pagkatapos ng isang linggo.

Journal on June 8, 2012
NAIA 1, Manila, Philippines

Kung dati tumutulo ang luha tuwing aalis ng bansa, iba na ngayon. Kasama ko si Misis kaya parang gagala lang kami sa karatig bayan. Emotionally magaan sa pakiramdam ngunit physically bumigat. Kung dati, isang trolley lang hinhila ko, ngayon may dagdag na. Hindi lang isa, kundi dalawang bag.
Dumating kami sa Terminal 1 at dumiretso na kaagad kami sa OFW Lounge para sa OEC. Ilang minuto lumabas ulit at naghanap ng push cart dahil di ito pwedeng ipasok sa loob. Nagbayad ng travel tax na P500 pesos bago pumila sa linya ng Etihad Airways papuntang Abu Dhabi. Hiningi ng kopya ang opisyal ng authenticated marriage certificate, passport ni Misis, at OEC ko.
Maayos ang check-in dahil maaga at di pa mahaba ang pila noong dumating kami. Pagkatapos makuha ang boarding pass, tumuloy tuloy na kami. Ako sa mahabang pila na OFW lane at ang asawa ay nagbayad ng terminal tax na 550 pesos. Mga ilang minuto din siyang naghintay at dumiretso na kami sa Immigration. Nagbiro pa ang opisyal. "Misis, pagdating niyo sa Saudi ay wala kayong gagawin kundi magpahinga at magshopping. Huwag na huwag mong ipaglaba o ipagluto si Mister".Nakasulat kasi sa visa ni Misis na "NOT PERMITTED TO WORK". Natawa na lang kami.
Dumating na rin ang oras ng flight namin. "Ready ka na? Wala nang atrasan ito," ang lagi kong sabi. Umalis kami ng Manila ng alas siyete ng gabi at ilang oras ding nasa alapaap bago lumapag sa Abu Dhabi para magpalit ng eroplano papuntang Saudi.
Pagkalipas ng dalawang oras sa UAE, flight na ulit namin papuntang Saudi. Medyo pagod na dahil di ako masyadong nakatulog. Lumapag sa Damman pagkatapos ng isang oras. Binilisan namin ang hakbang para mauna sa pila sa immigration dahil alam ko na kung gaano kabagal ang stamping dito. Pumila kami sa "FROM VACATION EXPAT" ngunit lumipat kami sa ibang linya. Napansin ko kasi na walang camera at machine for finger printing para sa mga bagong dating.
Dumating kami ng 2:30am, ikalabing isa kami. Alas kuwatro, panglima na kami sa pila. Anim pa lang ang nakatapos sa pila namin."Ganito talaga dito". Ganito talaga ang eksena, ang opisyal nagtetext, tapos magkwekwentuhan, aalis at may kakausapin at ilang minuto bago makabalik. Ganupaman, maswerte pa rin kami dahil kahit paano umuusad ang pila, di katulad doon sa iba na wala pang bawas. Sa taas ng oras na hinintay, nakasuot na ng abaya si Misis para diretso na kami palabas. Natapos kami at nakalabas ng airport ng alas singko. Maliwanag at may araw na!

Saturday, June 23, 2012

OWWA Payment at $50, Benipisyo o Pasanin?





 Masigabo sana itong palakpakan kung tinapyasan ng 50% ang mga fees ng OFW.

Dahil isa akong OFW;
1. Nababawasan ng isang araw ang bakasyon dahil sa obligasyon sa POEA.
2. Tumaas ang contribution sa PhilHealth. Dagdag benipisyo?
3. Nakikipagsiksikan sa mga pila sa POEA. At kahit sa DFA!
4. Kumukuha ng OEC bago umalis. Para laging updated ang mga balances.
5. Libre ang travel fees at terminal tax sa international airport. Ang domestic terminal tax, kailangang bayaran.
6. Pipila sa OFW lane sa immigration. Mas maginhawa ang pila kapag turista.
7. Mas mataas ng singil ng mga paninda kapag nalaman na OFW.
8. Mas mataas ang bidding ng mga taxi. Minsan may alak at sigarilyo pang involve.
9. Walang tax na binabayaran yearly, kaya nalilito kung magkano ang idideclare kapag kumuha ng cedula.
10. Target na maging "gatasan". Ayos lang basta kapamilya huwag lang ng ibang tao!

Kapag may dagdag na bayarin ang isang OFW, may karapatan bang tumanggi? Malaki man o maliit ang mga contributions,ay di pa rin ito nararamdaman.

Dagdag bayarin, dagdag BINEPISYO O PASANIN? At kahit di ito natuloy,
I CONDEMNING HOUSE BILL 6195

Wednesday, June 13, 2012

Para saan ba ang OFW Lounge?

"Para saan nga ba? May isang OFW na nagtanong sa akin sa Terminal 1. Pumipila siya sa Singapore airlines at ako'y para sa Etihad Airways. Hinanap ko sa kanya ang OEC. "Ay kabayan, kailangan mong patatakan ito doon sa loob ng OFW lounge para verification". Kaya hayun, lumabas ulit siya!


Marami ding dating OFW ang nasa pila na pero di pa naverify ang kanilang mga OEC. Parang noong nakaraang taon kasi, e ok na di dumaan doon sa OFW lounge. Didiretso ka na sa pila ng airlines na maghahatid sa pinagtratrabahuan. Ayos na sana iyon dahil nakakabawas sa perwisyo at pagod dahil talaga namang matrapik ang lugar na iyon sa dami ng taong naghahatid sa mga papaalis na kapamilya. Isa pa di pwedeng pumasok ang baggage cart kaya mapipilitang buhatin ang mga mabibigat na bags para makapasok at matapos na ang transaksyon.
 Marami pa rin ang tulad kong OFW na nagtataka kung bakit kailangan pang iverify ng hiwalay na lugar ang OEC. Di ba pwedeng pag-isahin na lang sa pila bago immigration para di na lalabas pa ng terminal?

Tuesday, June 12, 2012

OFW trip to El Nido

Sino ba ang hindi mamamangha sa ganda ng tanawing ito?
El Nido, Palawan, Philippines
Napakahabang biyahe mula Puerto Princesa City ang dinanas para lang makapunta sa maliit na bayang ito. "Meron palang ganito kagandang lugar sa Pilipinas?"
Kulang ang dalawang araw para sa mga island activities. Nasubukan ang katatagan sa pagtuklas ng mga secret beaches, caves, cliffs, at lagoons. Siguradong di pagsisihan ang nawaldas na ipon mula sa ilang buwang pagsisikap. Sulit!




Saturday, March 24, 2012

Mahirap maging Malusog

"Uminom ka ng gatas, ikaw ay lalakas. Kumain ka ng itlog, ikaw ay lulusog." Inggit na inggit ako sa kantang ito noong nasa elementarya pa ako. Kung itlog nga ay madalang lang naming ulam, ang gatas pa kaya!
Kaya ako ay patpatin dahil kulang daw ako sa mga kinakain sabi ng isang titser. Paminsan-minsan daw, kailangan ko ring kumain ng karne. Panay kasi napapansin ni titser na laging tuyo ang baong ulam at masama ito sa kalusugan ng mga bata. Patpatin nga ako pero di naman ako sakitin.
Mahirap ngunit masaya talaga ang buhay sa lugar na malayo sa kabihasnan. Sa lugar na ang pagbubukas ng lata ng sardinas o noodles sa hapag kainan ay para sa mayaman at maykaya. Halos 12 taon kong naranasaan ang walang kalsada at kuryente.
Pinakas - salted and dried fish
Maliban sa mga gulay na napipitas lang sa paligid ay tuyo na ang lagi naming ulam. Yun lang kasi ang nakakatagal. Di ko malilimutan ang pinakas (isda na hinati sa gitna at ginawang tuyo). First class na isda daw ito ang sabi ni Ermat. Isa pa yung tuyo na goodbye-my-head dahil kusang natatanggal ang ulo kapag piniprito. Ang tuyong dilis na animo'y pako sa lalamunan pero masarap kapag nilamas sa may labanos. Ang bagoong alamang na nakakaengganyo ang amoy kapag ipinatong sa mainit na kanin. Ang bagoong isda na hinalo sa binate na itlog. Oo nga pala, ang itlog na kailangan pang nakawin sa pugad ni Henny Penny. Di naman marunong magbilang ang manok at di niya malalaman na may bawas ang itlog niya.

Alamang
Sa ngayon. marami ang namamatay dahil sa stroke. "Dahil kasi sa mga kinakain kaya high blood at nastroke!", sabi nila. Kahit anong pagkain yata ngayon ay may mga disadvantages. Kahit nga ang mga prutas at gulay, minsan ipinagbawal sa pasyente. Masyadong matatalino at maraming natutuklasan ang mga tao. Kaya nga nauuso ang takal sa kanin pero unlimited sa ulam at ang tinatawag na diet. Kaartehan lang iyon ang sabi ng iba at para sa akin, isa iyong pagtitipid. Mahal na kasi ang bigas!
Kung dati kahit walang masarap na ulam ay nauubos ang kaldero ng kanin, ngayon ay kabaligtaran. Nauubos ang ulam at nababahaw ang kanin. Madalang lang ngayon ang isang klase ng ulam sa hapag-kainan, minsan akalain mong pista. Sana pag-aralan ng mga dalubhasa kung alin ba ang mas risky. Ang malakas sa kanin o malakas sa ulam?
Mahirap talaga ang maging malusog. At mahirap talagang igiit na di ako tumaba kahit malakas ako sa kanin lalo na kapag tuyo ang ulam.